Marcoleta at Defensor, kulong na nga, dinagdagan pa ng warrant
- BULGAR

- Jul 10
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 10, 2026

SANA MAG-IMBESTIGA ULI ANG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, ‘WAG TITIGIL HANGGA'T HINDI NATUTUMBOK ANG PINAKA-MASTERMIND SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Ang impeachment trial sa Senado ay hindi naman araw-araw, kundi tatlong beses lamang sa isang linggo.
Sana naman ay magsagawa muli ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control scandal. Huwag sanang tigilan ng Senado ang imbestigasyon hangga't hindi natutukoy ang tunay na utak sa umano'y flood control scam. Period!
XXX
NAPAHIYA ANG MGA LOYALISTA KASI MAS MARAMI PALA ANG OBJECTIONS NI ATTY. LIGUTAN KAYSA KAY ATTY. NARVASA – Umaani ng batikos sa social media ang mga abogado ng magkabilang panig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Noong ikalawang araw ng paglilitis, binash ng mga loyalista si Atty. Carlo Joaquin Narvasa dahil sa sunud-sunod nitong objections. Ngunit pagsapit ng ikatlong araw noong Hulyo 8, ang private prosecutor na si Atty. Amando Virgil Ligutan naman ang pinulaan ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) dahil sa mas marami nitong objections habang nagaganap ang cross-examination.
Sa totoo lang, tila nabaligtad ang sitwasyon para sa mga loyalista. Akala nila ay hindi mag-o-object ang panig ng private prosecution, pero nang sila na ang nag-cross-examine sa testigo, sunud-sunod din ang objections ni Atty. Ligutan. Boom!
XXX
GRABE KUNG RUMESBAK ANG MARCOS ADMIN SA MGA KAKAMPI NI VP SARA, NAKAKULONG NA SINA SEN. MARCOLETA AT EX-CONG. DEFENSOR, SINILBIHAN PA ULI NG PANIBAGONG WARRANT OF ARREST – Grabe rin ang resbak ng Marcos administration sa mga kaalyado sa pulitika ni VP Sara.
Nakakulong na sa kasong plunder na walang piyansa sina Sen. Rodante Marcoleta, na nasa hospital arrest, at dating Cong. Mike Defensor na nasa city jail, pero sinilbihan pa sila ng warrant of arrest kaugnay naman ng kasong graft. Tsk!
XXX
HINDI NGA NAGAWA NI GEN. MARANTAN NA LANSAGIN SA CALABARZON ANG 'PROTECTION RACKET SYNDICATE' AT 'OIL PILFERAGE SYNDICATE' TAPOS GUSTO PANG I-EXTEND ANG TERMINO NITO – Tinabla ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang hirit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bigyan ng isang taong extension sa puwesto si Brig. Gen. Hansel Marantan, director ng PNP-Region 4-A, na nakatakdang magretiro ngayong Hulyo 10, 2026.
Hay naku! Ewan ba kay Sec. Jonvic Remulla kung bakit gusto pa niyang patagalin sa puwesto si Gen. Marantan, gayong sa tagal ng kanyang panunungkulan sa PNP-Region 4-A ay hindi naman nalansag ang umano'y "Protection Racket Syndicate" nina "Tongpats Collectors," "Rico," "Adlawan," "Tata Obet," "Jong," at "Tsan Parak," gayundin ang umano'y oil pilferage syndicate nina "Paihi Gang" members na sina "Bogs," "Dondon Alahas," "Jayvee," "Amang," "Aldo," "J. Cruz," at "Madick" sa CALABARZON. Boom!




Comments