Mapanlinlang na uri, kalidad at pinanggalingan ng produkto, bawal!

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 26, 2020
Dear Chief Acosta,
Maaari ba naming iparehistro ang pangalang “Super Special Bocaue Chicharon” upang maging marka o pangalan ng aming mga ginagawang chicharon kahit na ang pagawaan namin ng mga produktong ito ay wala naman sa Bocaue, Bulacan? – Aria
Dear Aria,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong sitwasyon ay ang Section 123 ng Republic Act (R.A.) No. 8293, as amended o mas kilala sa tawag na Intellectual Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:
“Section 123. Registrability. - 123.1. A mark cannot be registered if it:
x x x
(g) Is likely to mislead the public, particularly as to the nature, quality, characteristics or geographical origin of the goods or services;” (Binigyang-diin) Sang-ayon sa nabanggit, hindi maaaring iparehistro ang marka o pangalan ng produkto kung ito ay magkakapag-linlang sa publiko tungkol sa uri, kalidad, at pinanggalingan ng mga nasabing produkto. Ibig sabihin, hindi ninyo maaaring iparehistro ang pangalang “Super Special Bocaue Chicharon” para sa inyong produkto kung hindi naman ito totoong nanggaling sa Bocaue, Bulacan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments