Manila, sasalang sa FIBA 3x3 Al Bidda Challenger
- BULGAR
- Oct 17, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 17, 2023

Mga laro ngayong Martes – Al Bidda Park
11:55 PM Antwerp vs. Manila
3:15 AM Utrecht vs. Manila
Daraan sa malupit na hamon ang Manila Chooks sa pagsalang nila ngayong araw sa 2023 FIBA3x3 Al Bidda Park Challenger sa Qatar. Nakatakdang harapin ng nangungunang koponang Filipino ang mga bigatin na Antwerp ng Belgium at Utrecht ng Netherlands sa Grupo B para makamit ang isa sa tatlong tiket patungong Manama Masters sa Nobyembre 16 at 17 sa Bahrain.
Lalong lumaki ang suliranin ng Manila Chooks matapos hindi isama sa listahan para sa torneo ang numero unong Pinoy 3x3 manlalaro Mark Jayven Tallo. Sa mga nakalipas na araw, nakita si Tallo na nag-eensayo sa Converge FiberXers ng PBA at palakihin ang spekulasyon na pinakawalan na siya ng Manila.
Dahil dito mas determinado sina Paul Desiderio, Dennis Santos, Marcus Hammonds at Tosh Sesay na kaya nilang itaas ang bandila sa gitna ng biglang pagliban ni Tallo. Unang haharapin ng #10 Manila ang #2 Antwerp simula 11:55 ng gabi, oras sa Pilipinas at #7 Utrecht sa 3:15 ng madaling araw ng Miyerkules.
Kung papalarin, makakaharap ng Manila sa quarterfinals ang isa sa mga papasok galing Grupo D na Futian at Wuxi ng Tsina at Lusail ng host Qatar. Ang quarterfinals ay magsisimula ng gabi ng Miyerkules.
Nasa Grupo C ang Amsterdam ng Netherlands, Sansar MMC Energy ng Mongolia at Al Bidda ng Qatar. Ang numero unong koponan Ub Huishan NE ay nasa Grupo A at hihintayin ang dalawang aangat mula sa qualifying round na maaaring Podgorica ng Montenegro, Brussels ng Belgium, Siliguri ng India, Wuhan ng Tsina at Doha Expo at Al Wakrah ng Qatar.








Comments