top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Gilas Pilipinas ginulat ng Bahrain sa unang laro sa Asian Games

Writer: BULGAR
BULGAR
2 days ago
2 min read

by Anthony Servinio @Sports News | September 9, 2026



BAGAMAT pumukol ng 31 puntos si Calvin Oftana ng 31 puntos ay di pa rin umubra ang Gilas Pilipinas laban sa Bahrain sa unang laro sa Asiad. (1xbet-krpix)

Photo: Bagamat pumukol ng 31 puntos si Calvin Oftana ng 31 puntos ay di pa rin umubra ang Gilas Pilipinas laban sa Bahrain sa unang laro sa Asiad. (1xbet-krpix)


Laro ngayong Sabado -

Aichi 6:00 PM Pilipinas vs. Kazakhstan


Dumaan sa malalim na lubak ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa 85-89 talo sa Bahrain sa Aichi-Nagoya Asian Games ngayong Biyernes sa Aichi International Arena.


Nalagay sa alanganin ang puntirya ng mga Pinoy na umulit bilang kampeon at kailangang manaig sa nalalabing dalawang laro sa Kazakhstan at Tsina. Kinapos ang huling tangkang humabol ng Gilas.


Pinangunahan nina Calvin Oftana at Adrian Nocum ang hataw ng mga Pinoy sa huling quarter subalit sinagot ito ng mga napapanahong shoot ng Bahrain.


Kontrolado ng mga mas matangkad na Bahraini ang laban at 49-43 lang ang lamang nila matapos ang dalawang quarter. Lalong umangat ang shooting at lumayo sila papasok sa huling quarter, 76-61.


Walang nakapigil kay dating NBA player Jakarr Sampson na double-double na 24 at 13 rebounds. Nag-ambag ng tig-20 sina Elijah Thomas at Mustafa Rashed. Ang huling isinama sa koponan at humabol lang sa Japan para palitan si Justin Brownlee, nagtala ng 31 puntos si Oftana mula sa siyam na tres.


Sumuporta si Nocum na may 14 habang 10 si Justine Baltazar. Sa isa pang laro sa Grupo C tinambakan ng Tsina ang Kazakhstan, 99-61. Hahanapin ng mga Intsik ang kanilang pangalawang panalo kontra sa Bahrain ngayong Sabado rin.


Nanguna sa Tsina sina sentro Yu Jiahao at gwardiya Pang Zhenglin na parehong may 17. Nagtala ng 11 si sentro Askar Maydekin habang 10 si forward Daniil Severgin.  


Ang Tsina ang huling umulit ng gintong medalya sa Doha 2006 at Guangzhou 2010. Kampeon ang Pilipinas sa unang apat na Asiad noong New Delhi 1951, Manila 1954, Tokyo 1958 at Jakarta 1962.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page