Defending champ San Beda vs. CSB sa NCAA Opening

by Anthony Servinio @Sports News | September 12, 2026

Laro ngayong Linggo - MOA
3 PM SBU vs. CSB
5 PM Letran vs. Perpetual
Sisimulan ng host San Beda Red Lions ang depensa ng kanilang korona sa Seniors Basketball sa pagbubukas ng NCAA Season 102 ngayong Linggo sa MOA Arena.
Unang hahamon sa kampeon ang Saint Benilde Blazers, ang parehong koponan na tinalo nila sa Final 4 noong 2025. Susundan ng pagharap muli ng Letran Knights sa Perpetual Help Altas na nagtapat din sa isa pang Final 4.
Tuluyang winalis ng Red Lions ang Knights, 2-0, para sa ika-24 na kampeonato sa liga. Kahit marami ang hindi babalik, kampante sina SBU Coach Yuri Escueta at team manager Coach Jude Roque na lalaban sila para sa korona sa pangunguna ng mga beteranong sina Jomel Puno, Bismarck Lina, RC Calimag, Jim Reyes, Anfernee Estacio, Menard Songcuya, JC Bonzalida at Zedjay Etulle.
Magpapakilala rin ang mga baguhan na sina Aldous Torculas, Daniel Marcelo, Maco Dabao, Lawrence Hawkins at Andre Ugaddan. Nasa PBA na sina kapitan Yukien Andrada, Finals MVP Bryan Sajonia at Joe Celzo.
Napilay ang tuhod ni Nygel Gonzales at babalik siya sa Season 103 habang lumipat ng paaralan si Mythical Five Agjanti Miller. Ipatutupad muli ang patakaran na unang ginamit noong Season 101 kung saan hinati ang mga paaralan.
Binubuo ang Grupo A ng SBU, CSB, Mapua, Jose Rizal at Lyceum habang Grupo B ang Letran, Perpetual, EAC, Arellano at San Sebastian. Ang mga laro ay tuwing Lunes, Martes, Huwebes at Biyernes sa FilOil Centre.
May ilang laro rin sa Philsports Arena, Rizal Memorial at San Andres Sports Complex. Isasabay ang torneo sa Juniors na sinunod ang mga grupo sa Seniors. Ang Letran Squires ang defending champion.





Comments