Manila Chooks, lalarga sa FIBA 3x3 Challenger
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 18, 2023

Matapos ang dalawang buwan na pamamahinga, balik-aksiyon ang Manila Chooks sa dalawang magkasunod na FIBA3x3 Challenger sa Wuxi ngayong Hulyo 22 at Yichang sa Agosto 4 na parehong sa Tsina. Huling napanood ang koponan sa Manila Masters noong Mayo at tiyak ay determinado ang kombinasyon nina Mark Jayven Tallo, Paul Desiderio, Tosh Sesay at Dennis Santos na maahon muli ang bansa.
Dahil walang laro ang Chooks, bumaba ang ranggo ng Pilipinas sa FIBA3x3 World Ranking sa kasalukuyang ika-29 mula ika-19 noong Marso. Inaalis sa bilangan ang mga puntos oras na umabot ito ng isang taon kaya mas malaki ang nawala imbes na madagdagan ito.
Ika-anim na rin ang mga Pinoy sa Asya at pangalawa sa Timog Silangang Asya matapos lampasan ng Thailand na #23 na. Hinihigitan lang sila sa kontinente ng #7 Mongolia, #8 Tsina, #13 Japan at #20 Qatar na mahalaga patungo sa pangunahing layunin na makalahok sa Paris 2024 Olympics.
Matatandaan na nabigo agad ang Chooks sa Manila Masters laban sa Ub Huishan NE ng Serbia, 9-21, at Utsunomiya Brex ng Japan, 18-22, para magtapos ng ika-10 sa 12 koponan. Ang Ub ang tuluyang kinoronahang kampeon at nag-uwi ng $40,000 (P2.178M).
Kailangang kumayod ng husto ang mga Pinoy sa mga Challenger upang makakuha ng tiket sa mga yugto ng World Tour Masters. Ang mga magwawagi sa Wuxi ay papupuntahin sa Shanghai Masters sa Tsina sa Oktubre 14 habang ang mga mananaig sa Yichang ay tutuloy sa Constanta Masters sa Romania sa Setyembre 9.
Ilan sa mga bigatin na maaaring makalaro ng Chooks sa Wuxi ay ang Vienna ng Austria, Raudondvaris Hoptrans ng Lithuania at Beijing ng Tsina na pumangatlo sa Manila Masters.





Comments