Eala walang rematch kay Anisimova sa Singapore Open

by Gerard Arce @Sports News | September 23, 2026

Photo: SM Cinema
Nabawasan muli ng mabigat na katunggali si Filipina tennis superstar Alexandra “Alex” Eala matapos umatras si World No.11 at second seed Amanda Anisimova ng US upang mas lalo pang lumaki ang tsansang makuha ang ikalawang Women’s Tennis Association (WTA) Tour title sa pagsisimula ng kampanya ngayong Huwebes kontra world No 178 Tatiana Prozorova ng Russia sa round-of-16 ng 2026 Singapore Open.
Umatras ang dating US Open at Wimbledon finalists na si Anisimova dulot ng wrist injury, na pinalitan ni Viktoria Morvayova ng Slovakia na makakatapat naman si Talia Gibson ng Australia, kasunod ng 6-3, 6-3 panalo kay Fiona Ferro ng France. Dahil sa pag-atras ni Anisimova, na tumalo kay Eala sa round of 32 ng Cincinnati Masters sa iskor na 6-4, 4-6, 2-6, naging ikalawang highest ranked player ang World No. 18 sa likod ni top seed World No. 5 Amanda Andreeva na katapat naman si Aliaksandra Sasnovich sa second round.
Nakalinya ring maaaring makatapat ng 21-anyos na Pinay lefty si Chinese best Xinya Wang, na tinalo si 2024 Paris Olympics silver medalist at dating World No. 17 Donna Vekic ng Croatia sa 6-1, 6-2, katapat si Joanna Garland ng Chinese Taipei, habang uusad rin sa susunod na round dating US Open finalist at Filipino-Canadian Leylah Fernandez laban kay Alicia Parks ng US, matapos magkahiwalay na dispatyahin ang kapwa Japanese tennis players.
Nakaabang namana si defending champion at fourth seed Elise Mertens ng Belgium kay two-time Grandslam titlist Barbora Krejcikova ng Czech Republic na katapat si Anna-Lena Friedsam ng Germany, gayundin si French Open finalist Maja Chwalinska ng Poland kontra Oleksandra Oliynykova ng Ukraine, habang si No. 7 seed Maria Sakkari ng Greece ay makakatapat si Linda Fruhvirtova ng Czech Republic na ang magwawagi ay makakatapat si Japanese Nao Hibino.
Humaba na ang listahan ng mga manlalarong umatras sa Singapore Open sa pangunguna ni World No.3 Jessica Pegula ng US, gayundin sina Diana Shnaider (world No 13), Sorana Cirstea (world No 16), Anastasia Potapova (world No 24), Ekaterina Alexandrova (world No 27), Sara Bejlek (world No 28), Ann Li (world No 29), Clara Tauson (world No 40) at Janice Tjen ng Indonesia (world No 46).
Mayroong nakalaang $185,500 (£138,457) o mahigit sa P11.6 milyon na cash prize at 500 points sa magkakampeon, habang ang runner-up ay tatanggap ng $114,500 (£85,462) o mahigit sa P7.1 milyon at 325 points.
Matapos ang Singapore Open ay agad na tutulak ang 33rd Southeast Asian Games champion sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games para subukang makuha ang kauna-unahang gintong medalya sa quadrennial meet matapos na mag-uwi ng dalawang tansong medalya sa 2022 Hangzhou Asian Games.





Comments