top of page

Malunggay, super sa sustansyang gulay!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 3 min read

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 13, 2026



Sabi ni Doc - Healthy malunggay


Dear Doc Erwin,


Isa ako sa mga masugid na tagasubaybay ng Sabi ni Doc column sa BULGAR newspaper. Maraming salamat po sa patuloy ninyong pagbabahagi ng mga makabagong kaalaman tungkol sa kalusugan na malaking tulong sa amin.


Ako ay naghahanap ng mga natural na paraan upang mapanatiling maayos ang aking kalusugan, lalo na sa pag-iwas sa mga posibleng problema sa blood sugar at cholesterol. Nakaririnig po ako tungkol sa malunggay bilang isang super food.


Ano po ba ang taglay nitong sustansiya na mahalaga sa kalusugan? May ebidensiya po ba na maaari itong makatulong sa pagpapanatili ng normal na blood sugar at cholesterol levels bilang bahagi ng healthy diet? 


Gaano po ito kaligtas gamitin bilang pagkain o supplement, at ano po ang karaniwang dose? May dapat po bang bantayan na side effects, lalo na kung ito ay regular na isasama sa diet o may kasabay na maintenance medications?


Maraming salamat sa inyong gabay at sa patuloy ninyong pagbibigay linaw sa mga usaping pangkalusugan. — Rogel





Ang Malunggay o Moringa oleifera ay isang halamang karaniwang matatagpuan sa Pilipinas at bahagi ng pang-araw-araw na pagkain ng maraming pamilya. Kilala ito sa taglay nitong bitamina A, C, at E, pati na rin calcium, potassium, at iron. Mayroon din itong protina at dietary fiber na mahalaga sa pagbuo at pag-aayos ng mga selula sa katawan. Dahil dito, ginagamit ang dahon nito hindi lamang bilang gulay kundi pati bilang supplement sa anyo ng powder, kapsula, o tsaa.


Sa isang pag-aaral na inilathala sa Frontiers in Pharmacology noong 2012, nakita ang pagbaba ng asukal sa dugo sa mga regular na uminom ng Malunggay leaf powder. Iniugnay ang epektong ito sa mga sangkap nitong mga anti-oxidants na may papel sa maayos na paggamit ng insulin at asukal sa ating katawan. Ipinakita din sa pag-aaral na ang regular na paggamit ng Malunggay extract ay nakatutulong sa pagbaba ng LDL o bad cholesterol. Ang pagbabagong ito ay mahalaga dahil konektado ang mataas na cholesterol sa panganib ng sakit sa puso.


Kilala ang Malunggay dahil sa mataas na antioxidant content nito. Ayon sa Phytotherapy research na nailathala noong 2007, nakita ang kakayahan ng Malunggay na makatulong sa pagbawas ng oxidative stress o sa pagkasira ng selula at pag-usbong ng mga kondisyon tulad ng diabetes at mga sakit sa puso. Kapag nabawasan ang oxidative stress, mas napoprotektahan ang katawan laban sa pinsala.


Ginagamit din ang Malunggay sa mga programang pangkalusugan laban sa malnutrisyon. Sa ilang komunidad, idinadagdag ang Malunggay powder sa pagkain ng mga bata at ng mga nagpapasuso upang madagdagan ang kanilang protina at micronutrients. Sa obserbasyon ng mga health workers, may pagtaas sa timbang at pagbuti ng mga sukatan ng nutrisyon tulad ng timbang-ayon-sa-edad at sukat ng itaas na braso sa mga batang regular na kumakain ng Malunggay, gayundin ng potensyal na pagtaas ng nutritional quality ng gatas ng ina sa mga nagpapasusong kumakain nito. Ipinapakita nito ang halaga ng halaman bilang abot-kayang mapagkukunan ng sustansiya, lalo na sa mga lugar na kulang sa access sa iba pang pagkain.


Sa usapin ng paggamit ng Malunggay, ang karaniwang dose sa mga pag-aaral ay mula 500 mg hanggang 2,000 mg ng Malunggay leaf powder bawat araw. Sa pagkain, ligtas at praktikal ang pagdagdag ng sariwang dahon sa mga ulam tulad ng sabaw o ginisang gulay. Ang karaniwang epekto ng sobrang pagkonsumo ng mataas na dose ng Malunggay ay kadalasang banayad at may kinalaman sa tiyan tulad ng sakit ng tiyan, pagtatae, pagduduwal, at kabag.


Hindi pinapayuhan ang mga may sakit sa bato o umiinom ng maintenance na gamot na basta-bastang uminom ng Malunggay supplement nang walang gabay ng doktor. Mahalaga ang konsultasyon upang maiwasan ang hindi kanais-nais na epekto.


Ang Malunggay ay bahagi lamang ng balanseng pagkain at sumusuporta sa pangkalahatang kalusugan. Hindi ito kapalit ng gamot o medikal na gamutan. Para sa mga may karamdaman tulad ng diabetes, altapresyon, o sakit sa puso, mahalaga pa rin ang tamang pagkain, regular na ehersisyo, at pagsunod sa payo ng doktor. Ang pagdagdag ng Malunggay sa pagkain ay isang hakbang, ngunit ang pangangalaga sa kalusugan ay nakasalalay sa kabuuang paraan ng pamumuhay. (GPM)



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page