Maling impormasyon sa family planning, pigilan

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 18, 2026

Sa panahon ng mahal na bilihin at mabigat na gastusin sa pamilya, mahalagang may kakayahan ang bawat magulang na planuhin kung kailan at gaano karaming anak ang kaya nilang suportahan. Hindi lang ito tungkol sa pagpigil o pagpapaliban ng pagbubuntis. Usapin din ito ng kalusugan, responsibilidad at kinabukasan ng bawat pamilya.
Ayon sa datos ng Commission on Population and Development, patuloy na dumarami ang gumagamit ng modern family planning methods sa bansa. Mula 41.8% noong 2022, umakyat ito sa 44.5% noong 2025. Malaking pagbabago ito kumpara sa 25% na naitala noong 1993 at nagpapakitang mas marami nang Pilipino ang gumagamit ng family planning upang planuhin ang pagitan at panahon ng pagkakaroon ng mga anak.
Gayunman, nasa 14.1% pa rin ng mga Pilipino ang umaasa sa traditional methods gaya ng withdrawal at calendar method noong 2025. Bagama’t bumaba ito mula 16.5% noong 2022, hindi maliit ang bilang kapag isinalin sa aktuwal na dami ng mga taong gumagamit nito.
Dito pumapasok na kailangan at alam ang tamang impormasyon.
May mga nananatiling maling paniniwala tungkol sa contraception, kabilang ang paniniwalang nagdudulot ng cancer ang contraceptive pills at ang maling pagkukumpara sa vasectomy at castration. Kapag ang desisyon ng isang tao ay nakabatay sa maling impormasyon, maaaring maapektuhan ang kalusugan at pagpaplano ng buong pamilya.
Hindi rin pare-pareho ang access ng mga Pilipino sa impormasyon at serbisyo. Mas ramdam ito sa mahihirap na pamilya at sa mga lugar na malayo sa health facilities.
Kaya mahalaga ang papel ng mga health worker, population officer at lokal na pamahalaan sa pagdadala ng malinaw at wastong impormasyon hanggang komunidad.
Para sa mga pamilyang kapos sa kita, bawat anak ay may katumbas na gastusin sa pagkain, edukasyon, gamot, damit at iba pang pangangailangan. Kaya ang family planning ay dapat maging serbisyong madaling maunawaan at maabot, hindi pribilehiyo ng iilan.
Mahalaga ring mabigyan ang mga kabataan ng mapagkakatiwalaang sources tungkol sa reproductive health. Kabilang sa mga hakbang ang online information channels at ilulunsad na Project Laya na naglalayong palakasin ang family planning at reproductive health services.
Ang layunin ng family planning ay bigyan ang mga Pilipino ng pagkakataong gumawa ng responsableng desisyon para sa kanilang pamilya. Hindi dapat takot, haka-haka o maling impormasyon ang gumabay sa ganitong mahalagang usapin.
Kapag tama ang impormasyon at abot-kamay ang serbisyo, mas may kakayahan ang bawat pamilya na magplano para sa kinabukasan. Ang mas maayos na family planning ay hindi lamang tungkol sa bilang ng anak—tungkol ito sa kalidad ng buhay na maibibigay ng isang pamilya sa bawat batang kanilang bubuuin at aalagaan.





Comments