Malasakit at serbisyong medikal, mas ilalapit pa sa mga Pilipino
- BULGAR

- 7 hours ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 22, 2026

Nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinigay sa akin ng aking mga kapwa senador matapos akong muling italaga bilang Chairperson ng Senate Committee on Health and Demography noong May 18.
Patuloy rin nating pamumunuan ang Senate Committee on Sports. Nakahanda tayong gampanan ang responsibilidad upang ipagpatuloy ang trabaho para sa kalusugan, kapakanan, at kinabukasan ng ating mga kababayan.
Ngayong muli tayong nasa pamunuan ng komite, na pinamunuan na rin natin noon sa loob ng anim na taon, nananatili ang aking focus sa isang bagay: ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino, lalo na sa mahihirap at walang ibang matakbuhan.
Bilang health reforms crusader, alam ko na marami pa ring pasyente ang nahihirapan sa pagpapa-check-up, pagpapa-ospital, pagbili ng gamot, at paghingi ng tulong medikal. Kaya paulit-ulit kong sinasabi na dapat ang pondo para sa kalusugan ay mapunta sa pasyente. Hindi dapat maging pabigat sa mahihirap na Pilipino ang paghahanap ng lunas sa kanilang mga sakit.
Patuloy nating babantayan ang pondo at serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Mahalaga na nagagamit nang tama ang pondo nito upang mas marami pang pasyente ang makinabang. Hindi dapat matakot magpa-ospital ang mga pasyente para magpagamot, dahil sa malaking gastusin. Ang pondo ng PhilHealth ay dapat na gamitin sa health!
Sa mga nakaraang taon, naging bahagi tayo ng pagtulak ng ilang mahahalagang reporma sa kalusugan. Isa rito ang Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, kung saan ako ang naging principal author at sponsor. Sa pamamagitan nito, na-institutionalize ang Malasakit Centers bilang one-stop shops para sa medical assistance. Sa ngayon, may 167 Malasakit Centers na sa buong bansa at nakatulong na sa mahigit 17 milyong Pilipino.
Principal sponsor at isa rin ako sa mga may-akda ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na nagmamandato ng pagtatayo ng specialty centers sa mga existing regional hospitals ng Department of Health (DOH). Mahalaga ito dahil hindi lahat ng pasyente ay kayang bumiyahe pa sa malalayong lugar para lamang makakuha ng espesyalistang gamutan.
Patuloy din nating sinusuportahan ang mga reporma sa PhilHealth na ipinaglaban natin noon sa ating marathon health committee hearings. Sa tulong ng mga kapwa ko senador, health professionals, advocates, at mismong mga pasyente, babantayan natin ang tuloy-tuloy na implementasyon ng mga ito dahil buhay ng tao ang nakasalalay.
Tulad ng dati, ang Senate Health Committee ay magsisilbing avenue para sa hinaing ng mga karaniwang mamamayan, mga masisipag nating health workers, at iba pang nasa health sector. Bilang inyong senador, magtatrabaho po ako sa abot ng aking makakaya dahil hangad ko po na mailapit ang serbisyong medikal sa kapwa natin Pilipino.
Samantala, noong May 16 ay nagtungo tayo sa Barangay 23-C, Poblacion sa Davao City upang tulungan ang 466 na biktima ng sunog, sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na mga opisyal.
Noong May 19, namahagi naman tayo ng tulong sa 45 na pamilya na nasunugan sa Brgy. Tangos South, Navotas City sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan. Nakasama natin sa pagbisita sina Mayor John Rey Tiangco, Vice Mayor Tito Sanchez, at iba pang mga local officials. Kinabukasan, naghatid ang ating Malasakit Team ng tulong sa mga nasunugang biktima sa Valenzuela City.
Noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong ang ating Malasakit Team sa mga nangangailangan, matapos agad nilang mabigyan ng assistance ang mga biktima ng sunog sa Kawit, Cavite.
Nakibahagi rin ang ating team sa isinagawang medical outreach sa Cebu City. Dumalo rin ang ating team sa inagurasyon ng Super Health Center sa Sasmuan, Pampanga, kung saan nagpaabot tayo ng tulong sa mga barangay health workers.
Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa sambayanang Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments