Malamang panic mode na ang Marcos admin kase sa June 4, start na si Sen. Marcoleta sa pag-iimbestiga sa flood control scandal
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 31, 2026

SEN. MARCOLETA, UUMPISAHAN NA ANG IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL SCANDAL KAYA MALAMANG, PANIC MODE NA ANG MARCOS ADMIN — Kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano na magpapatuloy sa Hunyo 4 ang imbestigasyon sa umano’y flood control scandal. Ang pagsisiyasat ay pangungunahan ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee sa ilalim ni Rodante Marcoleta.
Bagama’t may mga nagsasabing posibleng ikabahala ito ng ilang opisyal ng administrasyon, nananatiling haka-haka lamang ang mga ganitong pahayag hangga’t wala pang inilalabas na ebidensya o resulta ng imbestigasyon. Sa pagdinig na ito inaasahang masusuri ang mga alegasyon at matutukoy kung may pananagutan ang sinumang sangkot. Abangan ang mga susunod na kaganapan.
XXX
CONG. MARTIN ROMUALDEZ, ISA SA MALILINTIKAN SA IMBESTIGASYON NI SEN. MARCOLETA SA FLOOD CONTROL SCANDAL — Sa totoo lang, isa sa maaaring malagay sa pinakamahirap na sitwasyon sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee na pinamumunuan ni Sen. Marcoleta ay si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez.
Ito ay matapos umanong ihayag ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na may mga maleta ng pera na ipinadadala umano kay Romualdez. Ang pahayag na ito ay sinang-ayunan naman umano ni retired Marines Sgt. Orly Guteza at ng 18-ex marines na umano’y naatasang maghatid ng mga naturang maleta ng pera sa dating speaker.
Kung nais ni Cong. Romualdez na malinawan ang publiko sa usapin at hindi siya ang tanging maituro sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y flood control scandal, marapat lamang na humarap siya sa Senate sub-committee ni Sen. Marcoleta at ilahad ang kanyang panig, kabilang ang anumang impormasyong maaari niyang ibahagi hinggil sa isyu. Period!
XXX
DAPAT SABIHAN NI VP SARA SI DDS VICE MAYOR RESPICIO NA IWASAN ANG PAGIGING MADALDAL SA MEDIA — Sa programang “The Spokes” ni Atty. Barry Gutierrez, sinabi ni dating Presidential Spokesperson na si Edwin Lacierda na dahil umano sa mga pahayag ni DDS Vice Mayor Harold Respicio, nabunyag ang umano’y tunay na layunin ng mayorya ng mga senador sa pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano sa pagsusulong ng pagbabago sa Senate Rules.
Ayon kay Lacierda, ang layunin umano ng panukala na payagan ang video conferencing o teleconferencing sa Senado ay upang makaboto pa rin ng “no” sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ang mga senador na hindi pisikal na makakadalo, kabilang umano si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung siya ay maging pugante, gayundin ang mga senador na posibleng makulong.
Kung totoo ang hinalang ito, dapat yata ay pagsabihan ni VP Sara si Vice Mayor Respicio na maging mas maingat sa kanyang mga pahayag sa media. Dahil sa kanyang kadaldalan, nabunyag tuloy umano sa publiko ang sinasabing tunay na motibo ng mga nagsusulong ng pagbabago sa Senate Rules—na kahit pugante o nakakulong ang ilang senador, makaboboto pa rin sila sa impeachment trial nang pabor sa bise presidente. Boom!
XXX
KAPAG NANIWALA SI SEN. DELA ROSA SA STATEMENT NG KANYANG MGA ABOGADO, MAPAPAHAMAK SIYA AT MALAMANG MA-ICC JAIL NA SIYA — Panay ang iginiit ng mga abogado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na sina Atty. Israelito Torreon at Atty. Jimmy Bondoc na wala umanong utos mula sa lokal na korte para arestuhin ang senador kaugnay ng kasong crimes against humanity na iniuugnay sa kanya sa International Criminal Court (ICC). Dahil dito, sinasabi nilang wala ring basehan ang mga awtoridad upang siya ay dakpin.
Gayunman, ang ganitong pahayag ay maaari ring magbigay ng maling kumpiyansa kay Sen. Bato. Kung maniniwala siya na wala siyang dapat ikabahala at basta na lamang magpapakita sa publiko o babalik sa Senado, maaaring malagay siya sa alanganin kung may legal na hakbang na ipatupad laban sa kanya. Kaya mahalagang maging maingat at tiyaking malinaw ang lahat ng usaping legal na may kaugnayan sa kanyang sitwasyon. Period!





Comments