Malamang natorete sina PBBM at Cong. Romualdez sa ibinulgar ni Manong Chavit na sila ang mastermind sa flood control scandal
- BULGAR

- Jun 17
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 17, 2026

‘DI MAN AMININ, MALAMANG NATORETE SINA PBBM AT CONG. ROMUALDEZ SA IBINULGAR NI MANONG CHAVIT NA SILA ANG MASTERMIND SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Sa panayam ng media kay dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa Doublegem Events Place sa EDSA, Mandaluyong City, buong tapang niyang pinangalanan sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Leyte 1st District Representative, dating Speaker Martin Romualdez, bilang umano’y mga mastermind sa flood control scandal.
Hindi man aminin, malamang na nabigla sina PBBM at Cong. Romualdez sa ibinulgar ni Manong Chavit na silang magpinsan umano ang “utak” sa naturang iskandalo. Boom!
XXX
‘PAG ANG CAYETANO BLOC ANG KINATIGAN NG SC, KAHIYA-HIYA ANG GATCHALIAN BLOC KASI LALABAS NA INVALID PALA PAGHAHARI-HARIAN NILA SA SENADO – Naghain na ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang Cayetano bloc upang ipawalang-bisa ang umano’y paghahari-harian at pag-take over ng Gatchalian bloc sa ilang komite sa Senado.
Kapag kinatigan ng SC ang petisyon ng Cayetano bloc, ewan na lang kung paano pa makakaharap nang diretso sa taumbayan ang Gatchalian bloc, dahil lalabas na invalid pala ang kanilang ginawang pagkuha ng kontrol sa mga komite. Abangan!
XXX
SABLAY ANG PAGKUWESTIYON NI CONG. RIDON SA MGA BARIL NA PAG-AARI NI ATTY. MANS CARPIO – Sablay ang pahayag ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na isa raw sa gagamitin nilang ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay ang mga baril na nakapangalan sa asawa nitong si Atty. Mans Carpio na umano’y hindi isinama sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente.
Kaya nasabi nating sablay ito dahil hindi naman pag-aari ni VP Sara ang mga naturang baril kundi ng kanyang mister, kaya hindi ito dapat hanapin sa SALN ng bise presidente. Bukod dito, hindi rin naman si Atty. Carpio ang ini-impeach, kaya mali na gawing isyu ang mga armas na nakapangalan sa asawa ng vice president. Period!
XXX
2 MARCOS LOYALIST AT 2 'DILAWAN', SANIB-PUWERSA RAW SA RAKET NA STL-BOOKIES SA ALBAY – Kung ang sinasabing may kinalaman sa operasyon ng STL bookies sa Batangas ay sina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola, sa Albay naman ay umano’y kontrolado ito ng dalawang Marcos loyalist na sina “Arwin” at “Archie,” kasama ang dalawang tinaguriang “dilawan” na sina “Leo” at “Bitoy.”
Ipinapakita umano nito kung paano nagsasanib-puwersa ang magkakaibang kampo sa pulitika pagdating sa mga ilegal na gawain sa ilalim ng Marcos administration.
Ang tanong: Kailan kaya kikilos sina Albay Gov. Noel Rosal at Albay Police Director Col. Noel Nunez laban sa umano’y operasyon ng STL bookies sa kanilang nasasakupan? Abangan!




Comments