Malalaos na next month ang flood control scandal, at ang sisikat ay ang impeachment nina PBBM at VP Sara
- BULGAR

- 33 minutes ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 14, 2026

PBBM 'INUUNGGOY' NG MGA KURAKOT NA SEN. AT CONG., PINALALABAS NA MALINIS ANG 2023, 2024 AT 2025 NATIONAL BUDGET, PURO NAMAN PALA KORUPSIYON – Depensa ni Presidential Communications Officer (PCO) Usec. Claire Castro sa posibleng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na wala umanong ninakaw ang presidente sa kaban ng bayan. Ayon pa sa kanya, huli na raw nalaman ni PBBM ang umano’y flood control projects scam, kaya mismong ang pangulo na ang nagbunyag ng anomalya at nag-utos na kasuhan ang lahat ng sangkot.
Kung totoo ngang walang kinalaman si PBBM sa isyu, iisa lamang ang kahulugan nito: niloko o “inunggoy” ang presidente ng mga tiwaling senador at kongresista. Pinalabas ng ilang senador at kongresistang kasapi ng bicameral conference committee na malinis at walang bahid ng katiwalian ang pambansang badyet para sa 2023, 2024 at 2025. Ngunit sa huli, lumabas na puno ito ng mga proyektong ang pondo ay pinaghati-hatian lamang ng mga kurakot na politiko, opisyal ng DPWH, at mga kontratista. Period!
XXX
NEXT MONTH, BAKA MALAOS NA ANG FLOOD CONTROL SCANDAL AT ANG IMPEACHMENT NAMAN ANG SISIKAT – Sa susunod na buwan, malamang ay “malalaos” na ang isyung flood control scandal, at ang magiging sentrong usapin ay ang impeachment. May nakatakdang magsampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, at may magsasampa rin daw laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Boom!
XXX
DAHIL WALA PALANG ATRASAN ANG MGA TESTIMONYA NI FORMER DPWH ENGR. BRICE HERNANDEZ, HINDI PA RIN SAFE SINA SEN. ESTRADA, VILLANUEVA AT ZALDY CO – Pinabulaanan ng abogado ni dating DPWH Bulacan 2nd District Assistant Engineer Brice Hernandez ang isyu na bumaligtad o bumawi siya sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee at House Infra Committee, na nagsasangkot kina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, at dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Ibig sabihin, hindi pa rin ligtas sina Sen. Estrada, Sen. Villanueva, at Zaldy Co., dahil nananatiling matibay at hindi umatras ang testimonya ni Engr. Brice laban sa kanila. Period!
XXX
PBBM, INOKRAY NI CONG. DE LIMA, PASABOG DAW NG PRESIDENTE, PARANG SUBSTANDARD NA PAPUTOK! – Dahil sumablay ang pangako ni PBBM na may mga kurakot na senador, dating senador, at kongresista na makukulong at magpa-Pasko sa kulungan, inokray ni ML Partylist Rep. Leila de Lima ang presidente.
Ayon kay Cong. De Lima, ang “pasabog” daw ni PBBM ay parang substandard na paputok — nang sumabog, supot lang. Boom!








Comments