Malacañang, aminado na rin bang palpak ang ekonomiya sa ilalim ng Marcos admin?
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 9, 2026

SA STATEMENT NI OMBUDSMAN REMULLA, WARING 'PUMALDO' KAY CONG. ROMUALDEZ ANG 4 EX-SEKYU NI ZALDY CO NA BUMAWI NG TESTIMONYA – Umuusok sa galit si Ombudsman Boying Remulla matapos niyang ibulgar na ang kampo umano ni Leyte 1st Dist. Rep. at dating Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng pagbawi ng apat na dating bodyguards ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa nauna nilang testimonya na nag-deliver sila ng male-maletang pera sa dating House Speaker.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Ombudsman Remulla na nabigyan ng maleta ng pera ang apat na dating bodyguards ni Zaldy Co kaya binawi nila ang nauna nilang alegasyon laban kay Cong. Romualdez. Boom!
XXX
KAHIT BINAWI NG 4 EX-SEKYU NI ZALDY CO ANG NAUNANG ALEGASYON NILA KAY CONG. ROMUALDEZ, TULOY PA RIN ANG KASO SA DATING SPEAKER – Ayon kay Ombudsman Remulla, kahit daw “nilinis” ng apat na dating “sekyu” ni Cong. Zaldy Co ang pangalan ni Cong. Romualdez, itutuloy pa rin daw ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder laban sa dating speaker dahil may apat pang testigong natitira na hindi pa binabawi ang kanilang testimonya.
Para sa kaalaman ng publiko, sa 18 sinasabing naging ex-bodyguards ni Zaldy Co, walo lamang ang naberipika ng Office of the Ombudsman na talagang naging “tao” ng dating Ako Bicol congressman. Dahil ang walong ito ang sinasabing may direktang partisipasyon sa pagdedeliber ng male-maletang pera kay Cong. Romualdez, sila lamang ang kinuha ni Ombudsman Remulla bilang mga testigo laban sa dating speaker.
Ika nga, kahit bumaligtad na ang apat, may natitira pang apat na testigo, kaya masasabing wala talagang lusot sa kasong plunder si Cong. Romualdez. Boom!
XXX
KAPAG SA AMERIKA NAKULONG SI QUIBOLOY WALA NA SIYANG LAYA, PERO KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA, TIYAK LALAYA SIYA – Ginagawa ngayon ng mga abogado ni Pastor Apollo Quiboloy, na nakakulong sa Pasig City Jail kaugnay ng mga kasong qualified human trafficking at sexual abuse of minors sa Pilipinas, ang lahat ng paraan upang pigilan ang extradition request ng Amerika para isuko ng Philippine government ang pastor sa hurisdiksyon ng US.
Sa Amerika, nahaharap naman si Quiboloy sa mga kasong sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children at bulk cash smuggling.
May dahilan ang kampo ni Quiboloy na harangin ang extradition request ng Amerika dahil kapag nadala ito sa US, malabo na itong makalaya. Kasi dito sa Pinas, kapag naging presidente si VP Sara Duterte, malaki ang tsansa nitong makalabas sa kulungan sa pamamagitan ng pag-dismiss sa kanyang mga kaso o kaya kahit sa pamamagitan ng piyansa. Period!
XXX
PARANG MISMONG MALACAÑANG NA ANG NAGSABI NA LUGMOK ANG EKONOMIYA NG ‘PINAS SA ILALIM NG MARCOS ADMIN – Ikinalungkot ng Malacañang ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ang ibig bang sabihin niyan ay inaamin ng Malacañang na lugmok ang ekonomiya ng ‘Pinas sa ilalim ng Marcos administration? Boom!





Comments