Dagdag-singil sa passport, dagdag-pasakit sa OFWs

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 24, 2026

Personal nating dinaluhan ang 2027 budget hearing ng Department of Migrant Workers (DMW). Binigyang-diin ko ang isang mahalagang bagay: dapat sapat ang pondo para maprotektahan at matulungan ang ating overseas Filipino workers (OFWs), lalo na kapag may emergency, kaguluhan, o iba pang problema sa ibang bansa.
Malaki ang sakripisyo ng ating mga OFW. Malayo sila sa kanilang pamilya para makapagtrabaho at makapagbigay ng mas maayos na buhay sa kanilang mga mahal sa buhay. Kaya tungkulin ng pamahalaan na tiyaking may matatakbuhan ang ating OFWs at may sapat na pondo ang gobyerno para sa kapakanan ng migrant workers.
Nagpasalamat din ako sa mga kawani ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ng iba pa nitong attached agencies. Hindi ko nakakalimutan ang ginawa nila noong panahon ng pandemya, tulad na lamang ng OWWA na umalalay sa ating mga OFWs na nangailangan ng tulong. Bukod d’yan ay marami ring kawani ng gobyerno ang halos walang pahinga at 24/7 nakaantabay para asikasuhin ang mga OFWs o modern-day heroes nating kailangang makauwi o humingi ng tulong.
Nilikha ang DMW sa ilalim ng Republic Act No. 11641 o Department of Migrant Workers Act noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Pinagsama sa isang departamento ang iba’t ibang tungkulin ng gobyerno para sa overseas employment at kapakanan ng migrant workers. Kabilang din sa batas ang pagtatatag ng Migrant Workers Offices (MWOs) sa ibang bansa at ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund para sa legal at iba pang tulong sa mga OFW na nangangailangan. Mahalaga rin ang OWWA sa patuloy nitong papel sa pagbibigay ng welfare programs at iba pang serbisyo para sa ating OFWs at kanilang mga pamilya.
Ngayong maraming bansa ang nakararanas ng krisis, lalo na sa West Asia, dapat ay may sapat na suporta para sa ating OFWs na naiipit sa conflict areas. Kaya nga ang lagi kong panawagan sa DMW, OWWA, Department of Foreign Affairs, at sa iba pang concerned government agencies, dapat bukas ang kanilang mga opisina para sa mga OFWs sa panahon na kailangan nila ng tulong lalo na’t malayo sila sa ating bansa.
Isa rin sa mga concern na inilapit sa akin ay ang pangangailangan ng MWO sa Nagoya, Japan. Kamakailan ay nakapunta ako roon at nakausap ko ang ating mga kababayan. Ipinaabot din sa akin ng ating Consul General doon sa Nagoya na si Shirlene Mananquil ang usaping ito. Sa kasalukuyan, may mga serbisyo mula sa MWO-Osaka na umaabot sa Filipino community sa Nagoya at iba pang bahagi ng central Japan.
Mahalaga ring mapanatili ang suporta sa Overseas Filipino Workers Hospital o OFW Hospital sa Pampanga. Dapat patuloy nating tingnan kung paano mapapalakas ang serbisyong medikal para sa ating mga OFW at kanilang pamilya.
Kaya, inihain ko ang Senate Bill No. 414 o OFW Hospital Act of 2025 upang maisabatas at mapalakas ang OFW Hospital. Isinusulong ko rin ang Senate Bill No. 1290 o OFW Ward Act of 2025, na naglalayong magkaroon ng nakalaang ward para sa mga OFW at kanilang dependents sa bawat Department of Health-retained hospital.
Tinalakay rin sa hearing ang plano ng Department of Foreign Affairs at ng official printer and supplier nito na APO Production Unit, Inc. na itaas ang regular Philippine passport fee mula ₱950 patungong ₱1,500.
Mariin kong tinutulan na dagdagan ang passport fee dahil dagdag-pasakit lamang ito sa ating mga kababayan, lalo na sa ating mga OFW. Nakikiusap ako na huwag nang ipatupad ang ganitong dagdag na gastos. Noong nakapunta ako sa Nagoya, isa rin ito sa mga usap-usapan ng ating mga kababayan doon. Bawat piso at bawat sentimo na kinikita ng ating mga OFW ay mahalaga. Pinaghihirapan nila ang perang ipinapadala sa kanilang pamilya para sa pagkain, pag-aaral ng mga anak, gamot, bahay, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, pagdating ko sa Nagoya noong September 16, agad kong kinamusta ang mga miyembro ng Team Philippines sa Asian Games. Nais kong malaman kung kumusta sila, paano ang kanilang paghahanda, at kung ano pa ang kanilang mga pangangailangan habang lumalahok sila sa kani-kanilang mga laban. Naniniwala ako na dapat nilang maramdaman ang tunay na malasakit sa panahong ito. Napanood ko rin ang laban ng Alas Pilipinas Women upang personal na maipakita ang ating suporta sa ating national volleyball team.
Kinabukasan, September 17, personal kong pinanood at sinuportahan ang ating women’s basketball at volleyball teams. Congratulations sa Gilas Pilipinas Women sa kanilang 86–58 na panalo kontra Kazakhstan! Saludo rin tayo sa ating football at volleyball teams sa kanilang pagsisikap at sa buong pagmamalaking pagrepresenta sa Pilipinas.
Sa araw ding iyon, ikinatuwa ko rin ang unang panalo ng Philippine Women’s Football Team sa Asian Games matapos nilang talunin ang Hong Kong, 2–0, sa pamamagitan ng mga goal nina Skye Leach at Mallie Ramirez.
Noong September 19, ikinarangal kong personal na masaksihan ang opening ceremony ng 20th Asian Games sa Nagoya. Nakakatuwang makita ang Team Philippines na buong pagmamalaking lumahok sa Parade of Nations kasama ang mga atleta mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya.
Samantala, noong September 20, pinanood ko rin ang ating mga atletang Pilipino na lumaban sa wushu at mixed martial arts.
Kasama ang aking mga kapwa mambabatas, patuloy nating palalakasin ang grassroots sports, hahasain ang kakayahan ng ating mga atletang Pilipino, at ibibigay sa kanila ang suporta at pagkakataong nararapat upang maabot nila ang kanilang mga pangarap. Go lang nang Go!
Samantala, noong nakaraang linggo, nagtungo ang ating Malasakit Team sa mga komunidad upang maghatid ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Tinulungan nila ang mga nasunugan sa Bislig City, Butuan City, Roxas City, Malabon City at Davao City.
Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa ating mga kababayan sa abot ng aking makakaya, lalo na sa pagsusulong ng mga inisyatibong makatutulong upang higit pang mapahusay ang kakayahan at paghahanda ng ating mga atleta. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments