Malabon noon, Malabon ngayon, Malabon bukas
- BULGAR

- 11 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 9, 2026

Dalawang mahalagang anibersaryo ang ipinagdiriwang ngayong buwan. Sa ika-25 ng Pebrero, gugunitain ang ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution. Ngayong ika-7 ng Pebrero naman, ipagdiriwang ang ika-100 taon ng pagkakatatag ng St. James Academy sa Lungsod ng Malabon.
Nag-aral tayo sa St. James Academy noong 1964, matapos kaming magkakapatid na lumipat mula sa Immaculate Conception Academy of Malabon (ICAM). Tinapos lamang natin ang Grade 3 sa ICAM dahil hanggang doon lang pinapayagan ang mga lalaki. Kaya naman, anim na taon tayong nag-aral sa St. James Academy mula 1964 hanggang 1970—mula Grade 4 hanggang Second Year High School.
Ano nga ba ang kalagayan ng Malabon noon? Napakaganda nito, wari’y isang tahimik na probinsiya. Romantiko ang tanawin sa Letre, mula Sangandaan hanggang sa tulay ng Malabon. Tuwing alas-sais y medya ng umaga, makikita ang mga tagak na sabay-sabay tumatawid sa magkabilang panig ng Letre upang manginain sa mga palaisdaan. Ilang taon ding naranasan ng mga taga-Malabon ang likas na kagandahan ng bayan—mula sa mga palaisdaan ng Letre hanggang sa mga lumang bahay sa paligid ng Simbahan ng San Bartolome, at sa mga baryo ng Concepcion at Hulong Duhat.
Ngunit nang maupo sa puwesto si Ferdinand Marcos bilang pangulo, nagbago ang lahat. Mula sa isang malinis, tahimik, at maayos na bayan, biglang ginawang “relocation site” ang magkabilang panig ng Letre para sa mga kababayan nating walang maayos na tirahan. Unti-unting tinabunan ang mga palaisdaan at mabilis na itinayo ang mga low-cost housing upang tugunan ang pangangailangan sa pabahay ng maraming taga-Tondo. Masyado pa tayong bata noon upang lubos na maunawaan ang epekto nito sa kalikasan at sa buhay ng komunidad. Ngunit nang tuluyang magbago ang anyo ng Malabon, nag-iba rin ang takbo ng buhay sa mahal nating bayan.
Kasabay ng mabilis na pagdagsa ng populasyon ang paglitaw ng samu’t saring suliranin. Unti-unting nawala ang dating kaayusan at katahimikan. Maliwanag na hindi handa ang pamahalaang lokal sa biglaang paglobo ng populasyon sa isang maliit na bayan. Sa mahigit 50 taon, nasaksihan natin ang maraming pagbabagong ito. Sa kabila nito, nanatiling matatag ang isang institusyon—ang St. James Academy—na nagsilbing sentro ng edukasyon at bukal ng maraming propesyonal at lingkod-bayan mula sa Malabon hanggang sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Sayang at hindi tayo nakadalo sa buong programa ng ika-100 anibersaryo ng St. James Academy. Sa loob ng isang oras na pananatili natin sa Navotas Convention Center, napansin nating marami na ring dating taga-Malabon ang lumayo at nanirahan sa ibang lugar. Kung mahalaga ang mga alaala ng nakaraan, masakit ding isipin ang pagkawala ng maraming gusali, institusyon, at samahang minsang nagpatatag at nagbigay-kulay sa unang mga taon ng pamahalaang lokal ng Malabon. Nasaan na nga ba ang karamihan sa mga ito?
Gayunman, may ilang makabuluhang tagpo pa ring naganap. Nakilala at nakausap natin ang punong-abala na si Cynthia Castro Mariano, na may kausap na isang medyo may edad na babae. Nang tanungin natin kung sino ito, sinabi niyang, “Si dating Sr. Melba Bantay.” Hindi natin napigilan ang tuwa. Siya ang paborito kong guro sa Religion noong First Year High School. Siya ang unang nagsabi sa akin na ipagpatuloy ang pagsusulat at pamamahayag, sapagkat marami raw itong matutulungan. Tila nagkatotoo ang kanyang sinabi.
Maraming salamat sa iyong paniniwala at pagtitiwala, Sr. Melba. Salamat din sa lahat ng aking naging guro. Sa kanila natin natutunan ang kritikal na pag-iisip, ang pagsusuri sa lipunan, at ang pakikisangkot upang hanapan ng lunas ang mga suliraning dulot ng pang-aapi, panlilinlang, at pagnanakaw.
Sayang at hindi natin personal na naiparating sa mas marami pang taga-St. James—mga madre, guro, at mag-aaral—ang taos-pusong pasasalamat. Salamat sa paghuhubog sa amin tungo sa matalas na isipan at matatag na paninindigan. Hindi kailanman naging maliit ang naging bahagi ng St. James Academy sa ating buhay. Hanggang ngayon, buhay na buhay ang mga aral at pagpapahalagang natutunan natin doon.
Maraming salamat sa St. James Academy. Maraming salamat sa bayan ng Malabon.








Comments