top of page

Mala-mall na mansyon ng Discaya kumpiskahin, gawing ospital o eskwelahan ng bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 11, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


CONG. SANDRO MARCOS, NAKAKUMBINSE NA RAW NG 200 CONGRESSMEN PARA IPA-IMPEACH SI VP SARA KAYA HUWAG MAG-DENY SI USEC. CASTRO NA WALANG ALAM ANG MALACAÑANG – Kung totoo ang kumalat na impormasyon sa social media na gumalaw na si Ilocos Norte 1st Dist. Rep. Sandro Marcos at nakumbinse na ang higit 200 kongresista na bumoto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ibig sabihin nito ay Malacañang ang nasa likod ng hakbang upang mapatalsik ang bise presidente.


Kaya kung sa botohan ay higit sa 200 kongresista ang bumoto para ma-impeach si VP Sara, huwag nang ipagkaila pa ng Presidential Communications Office (PCO) at ng spokesperson nitong si Usec. Claire Castro na walang alam ang Malacañang sa impeachment. Period!


XXX


HINDI LANG MGA MANSYON AT MGA LUXURY CONDO NI ZALDY CO ANG DAPAT KUMPISKAHIN, DAPAT PATI MGA ARI-ARIAN NG KANYANG MISIS AT MGA ANAK KUMPISKAHIN NA RIN – Ipinag-utos ng Sandiganbayan sa gobyerno ang kumpiskasyon ng labing-anim na mala-palasyong tahanan at mga luxury condominiums na pag-aari at nakapangalan kay dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.

Ibig sabihin, ang pagkakumpiska ay dahil ang mga property na ito ay pinambili at pinamawa ni Zaldy Co gamit ang perang nakuha mula sa kaban ng bayan.


Sana, pati ang mga ari-arian na nakapangalan sa misis at mga anak ni Zaldy Co ay kumpiskahin din ng Sandiganbayan, dahil malamang ang mga ito ay mula rin sa pera ng bayan. Boom!


XXX


MALA-MALL NA TAHANAN NG PAMILYA DISCAYA, DAPAT KUMPISKAHIN NA RIN AT GAWIN ITONG PUBLIC HOSPITAL O PUBLIC SCHOOL PARA PAKINABANGAN NG MAMAMAYAN – Dapat din ipakumpiska ng Sandiganbayan ang mala-mall na tahanan ng mag-asawang Discaya sa Pasig City.


Wala namang duda na ang ginastos nila sa pagpapagawa ng tahanan ay mula rin sa perang nakuha nila sa kaban ng bayan.


Kapag nakumpiska na, ang dapat gawin sa mala-mall na tahanan ay i-convert ito sa public hospital o public school upang mapakinabangan ng mamamayan. Period!


XXX


CICC CHIEF PARAISO, UMAKSYON NA LABAN SA MGA ONLINE ILLEGAL GAMBLING VLOGGERS, PERO SINA SPD DIRECTOR GEN. ARCEO AT NPD DIRECTOR GEN. DELA CRUZ 'NGANGA' PA RIN SA STL-CON JUETENG — Sampung vloggers ng online illegal gambling ang pinasampahan ng kaso ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Renato Paraiso.


Buti pa ang CICC na kumikilos laban sa mga ito, samantalang sina Brig. Gen. Randy Arceo, director ng Southern Police District (SPD), at Brig. Gen. Christopher Dela Cruz, director ng Northern Police District (NPD), ay tila walang aksyon pa rin sa lumalaganap na sugal-lupa sa kanilang nasasakupan.


Hanggang ngayon, namamayagpag ang STL-con jueteng nina “Touche” at “Jojo” sa Muntinlupa City, at nina “Carlo” at “Oye” sa Caloocan City. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page