Mahigit 100 kaso ng banta sa mga paaralan, hindi dapat ipagwalang-bahala

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 29, 2026

Sa loob ng paaralan, dapat ligtas ang bawat batang pumapasok upang matuto, makipagkaibigan at mangarap.
Hindi dapat maging lugar ng takot at karahasan ang mga silid-aralan at pasilyo na inaasahang magbibigay sa kanila ng proteksiyon. Kaya nakababahala ang sunud-sunod na insidente ng pananakit at pagdadala ng mga armas sa mga paaralan na nagpapakita kung gaano kahalaga ang mas mahigpit na pagbabantay sa kaligtasan ng mga estudyante.
Kasunod ng pananaksak ng isang 12-anyos na mag-aaral sa dalawa niyang kamag-aral sa Kalayaan Elementary School sa Caloocan noong Nobyembre 25, pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang upang maiwasan ang panibagong pag-atake sa loob ng mga paaralan. Mahigit 100 kaso na ng mga banta at pagdadala ng mga armas na maaaring magdulot ng panganib sa mga estudyante at paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang iniimbestigahan ng pulisya.
Sa nasabing insidente, pitong saksak ang tinamo ng isang 11-anyos na Grade 6 pupil, habang dalawa naman ang sugat ng isang siyam na taong gulang na Grade 4 student. Mabuti na lamang at kapwa wala na sa panganib ang kanilang buhay. Gayunman, hindi nangangahulugang dapat nang kalimutan ang nangyari dahil maaaring mag-iwan ito ng matinding takot at trauma sa mga biktima, kanilang pamilya at iba pang nakasaksi.
Mas lalo pang dapat tutukan ang posibilidad na may kinalaman ang online grooming sa insidente. Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang komunikasyon ng batang suspek sa isang hindi pa nakikilalang online predator na umano’y naghikayat sa kanya na gawin ang pananaksak sa pamamagitan ng Roblox at TikTok. Hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng naturang indibidwal.
Hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang iba pang insidente ng pamamaril at pananaksak sa mga paaralan sa Tacloban City, Zamboanga City at Banga, South Cotabato. Mula Northern Luzon hanggang Mindanao, may mga kasong may kaugnayan sa mga armas at iba pang bagay na maaaring gamitin upang manggulo o manakit sa loob ng mga institusyong pang-edukasyon.
Mahalaga ang pakikipagtulungan ng PNP sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, paaralan, barangay at Anti-Cybercrime Group upang matugunan ang mga panganib sa loob at labas ng internet. Subalit hindi dapat matapos sa pagsisiyasat ang kanilang tungkulin. Kailangan ding palakasin ang pagbabantay sa mga paaralan, pagtukoy sa mga batang nangangailangan ng tulong at pagtuturo ng responsableng paggamit ng social media at online games.
Hindi sapat na magpatupad lamang ng seguridad kapag may naganap nang trahedya. Dapat maagap ang pamahalaan, paaralan at mga magulang sa pagkilala sa mga senyales ng panganib. Hindi armas o takot ang dapat makita ng mga bata sa kanilang paaralan, kundi kaligtasan at pag-asa. Ang bawat batang napoprotektahan ngayon ay isang kinabukasang hindi natin hinayaang masira dahil sa kapabayaan.





Comments