Lipunang rising o lipunang lasing?

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 29, 2026

Tamang-tama ang mga pagbasa noong nakaraang Sabado para sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon.
Nasusulat sa Lucas 21:34-36:
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at pagkalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang ‘di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras…”
Ano kaya ang mas marami sa daigdig, ang gising o lasing? “’Wag magumon sa pagkain at sa nakalalasing na inumin,” babala ni San Lucas. Dagdag pa niya, “Huwag madala ng mga alalahanin ng mundong ito.” Bakit? Hindi natin alam kung kailan Siya darating, kaya’t kailangang maging handa tayo sa lahat ng oras.
Ito ang laman ng pagbasa sa huling Sabado ng karaniwang panahon. Unang linggo na ng adbiyento bukas. Pagkaraan ng apat na linggo, Pasko na naman, ang pinakahihintay na araw ng lahat ng mga Kristiyano. Opo, kailangang-kailangang gising at handa tayo sa araw ng pagdating ng Mesiyas. Ngunit isang araw lang ba sa bawat taon ang kailangan nating maging handa sa Kanyang pagdating? Hindi ba’t sinabi ni San Lucas na maging handa kayo sa lahat ng oras, dahil hindi natin talaga alam kung kailan siya darating.
At upang maging higit na handa sa bawat araw, sa bawat sandali ng buhay, kailangang hindi maglasing. At kung alak lang ang iniisip nating salarin sa pagkalasing, nagkakamali tayo dahil hindi lang ang alak ang nakalalasing. Nakalalasing ang kayamanan, kapangyarihan, katanyagan at anumang labis nating pinagpapahalagahan tulad ng lakas ng kabataan at kagandahan. Mga panlabas na katangian lang ang lahat-lahat ng ito. Nakatingin ang Panginoon sa kalaliman ng ating mga puso, isip at kaluluwa. Doon niya makikita kung tunay ngang Diyos ang pangunahing halaga natin o hindi.
Sa totoo lang, napakaraming lasing na hindi gising hindi lang sa ating lipunan kundi sa buong mundo. Kay daling lasingin at patulugin ang marami ngayon. Noong 1933, merong salitang nauso sa Estados Unidos. Ito ang salitang “dumbing down.” Ano ang ibig sabihin nito? “Dumbing down is the deliberate oversimplification of complex ideas, language, or content to make it easier to understand or more widely appealing.”
Ang “dumbing down” ay ang sinasadyang pagpapasimple ng mga mahirap intindihing konsepto, mga wika o “content” upang ito ay mas madaling maintindihan at mas malawak na tanggapin. Napakadaling gawin ito sa pamamagitan ng “social media.” Napakaraming kumikita ng malaki hindi lang sa pagpapasimple para madaling maunawaan kundi sa pag-aalok ng anumang konsepto, produkto o tao na katanggap-tanggap lalo kung may kapintasan o malalim na hindi totoo o tunay na masama ang isang bagay o tao.
Kaya ang “dumbing down” ay ang anumang napapanood, naririnig, nalalahukan sa social media o internet na lumilikha ng kondisyon ng tatlong B. Ito ang napakadaling maunawaan, kagiliwan at tanggapin dahil hindi kailangang mag-isip at sumuri. Pawang maganda, nakakatulong at nakapapalapad ng iyong halaga. Subalit ito ang mga bagay na nakakabobo, nakakababaw at nakakabaliw.
Magbigay tayo ng isang mahalagang halimbawa. Nagpalabas ang Depensa noong isang araw ng pahayag, “Hindi “Crimes against Humanity” ang “War on Drugs.’” Bakit daw? Dahil ayon sa Depensa, hindi naman laganap (widespread) at sistematiko (systematic) ito. At dagdag pa nila na hindi ito “organized.”
Paano nangyaring hindi laganap, hindi sistematiko at hindi organisado ang war on drugs? Unang-una, tinawag nga itong “Oplan Tokhang.” Anumang tinatawag na “Oplan” ng military o police ay isang pinag-isipan at pinagplanuhang programa. Na-monitor ang “modus operandi” ng tokhang. Merong listahan. Merong pabuya. Merong mga pulis na nag-iikot sa anumang oras, mas maganda kung gabi o madaling-araw.
At kung hindi ito organisado, bakit nagtatago ngayon ang namuno sa Oplan Tokhang? Nasaan na si Bato dela Rosa?
Bukas na po ang simula ng paglilitis ng International Criminal Court sa The Hague kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Gising na ba kayo, tayong lahat, para subaybayan ang pagpapalabas ng katotohanan. Huwag kayong uminom o kumain nang marami, baka madulas o masalisihan tayo. Iwasang hindi mag-isip at maging kritikal. Maging mapanuri, mapag-isip nang malalim at maingat. Maging masipag maghanap ng mga batayan, mga resibo para maunawaan natin ang katotohanan.
Malapit na ring matapos ang paglilitis ni VP Sara Duterte, ang anak, habang magsisimula na ang paglilitis ng ama. Simula na naman ang lasingan at kainan. Lumayo tayo rito at manatiling gising. Labanan ang anumang sinungaling, pananakot at panunuhol. Maging matalino, mapanuri, mapag-isip at madasalin. Iwaksi ang anumang nakalalasing, anumang nakapagpapababaw, nakakabobo at nakakabaliw!!!





Comments