top of page

Magulang, obligasyong magbibigay ng sustento kahit wala na ang kustodiya sa anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 10, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 10, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Noong ako ay dumulog sa korte upang maipagtanggol laban sa aking mapanakit na asawa, iniutos ng husgado na ibigay sa akin ang kustodiya ng aming mga anak. Ngunit simula noon ay natigil na rin ang pagbibigay ng sustento ng kanilang ama. Ang sabi ng kanilang ama, dahil sa akin iniatas ng korte ang kustodiya ng mga bata, ako na rin dapat ang sumagot sa kanilang sustento at pagpapalaki. Tama ba siya rito?


-- Mary


Dear Mary, 


Ang obligasyon ng mga magulang na magbigay ng sustento o suporta sa kanilang mga anak ay hindi nakadepende sa estado ng relasyon ng pamilya. Bagkus, ito ay nagmumula sa pagiging magulang nila sa kanilang mga anak. 


Sa katunayan, mayroong isang kaso na napagdesisyunan ang Korte Suprema kung saan pinagtibay ang pagbibigay ng sustento ng ama sa kanyang mga anak kahit pa nasa poder ng kanilang ina ang mga ito. Sa Ruiz vs. AAA, G.R. No. 231619, November 15, 2021, sinabi ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen, na:


Furthermore, the grant of support in the Permanent Protection Order pertains to respondent and her children with petitioner. Thus, while petitioner is no longer obligated to legally support respondent because their marriage was nullified, his obligation to provide support to his minor child CCC does not cease even if care and custody are no longer with respondent.  Neither does it depend on petitioner’s relationship with respondent.


In Patricio v. Dario III, this Court affirmed that parents are primarily responsible for the support of their children as the latter's closest relatives, keeping in mind the principle that ‘the closer the relationship of the relatives, the stronger the tie that binds them.’


Furthermore, ‘although the obligation to provide support arising from parental authority ends upon the emancipation of the child, the same obligation arising from spousal and general familial ties ideally lasts during the obligee’s lifetime.’


Thus, as their father, petitioner still has the obligation to support CCC and even their other child [BBB], if still studying and unemployed.”


Sang-ayon sa nabanggit na kaso, ang obligasyong magbigay ng sustento sa anak ay hindi titigil kahit na ang kustodiya ng anak ay wala sa naturang magulang. Hindi rin nakadepende ang pagbibigay ng sustento sa relasyon ng naturang magulang sa kanyang asawa, kahit pa mapawalang-bisa kalaunan ang kasal nila.


Katwiran ng ating umiiral na batas, ang mga magulang ang unang responsable sa sustento ng kanilang anak sapagkat sila ang pinakamalapit nilang kamag-anak. Kaya naman habang ang mga anak ay nangangailangan ng sustento, menor-de-edad man o hindi, basta sila ay mapatutunayang nag-aaral pa at wala pang sariling kabuhayan, ang mga magulang ay mananatiling obligado na sila ay suportahan.


Kaya’t sa iyong sitwasyon, hindi maaaring sabihin ng iyong asawa na hindi na siya obligadong magbigay ng sustento sa inyong mga anak dahil lamang nasa iyo ang kustodiya ng mga ito.  Bagkus, mananatili siyang obligado na magbigay ng sustento sapagkat siya ay nananatiling ama ng mga bata, ano man ang inyong personal na relasyon o hinaing sa isa’t isa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.













Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page