Magulang na tumulong makatakas ang anak sa krimen
- BULGAR
- Jul 27, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 27, 2024

Dear Chief Acosta,
Nakapatay ang aking kapatid dahil sa labis na pagseselos sa kanyang nobya. Sa takot niyang makulong sa kasong murder na inihain laban sa kanya ng pamilya ng biktima, dali-dali siyang nag-impake at umalis sa aming bahay upang magtago. Nalaman namin na tinulungan siya ng aming ina sa pag-iimpake at pagtatago. May magiging pananagutan ba ang aming ina sa ginawa niyang pagtulong sa aking kapatid na hindi mahuli ng mga awtoridad?
-- Emily
Dear Emily,
Normal ang pagkakaroon ng takot ng mga magulang para sa kanilang mga anak, lalo na kung ito ay nahaharap sa panganib sa kanyang pagkatao at kalayaan. Gayunpaman, dapat tandaan ng lahat na walang sinuman ang nakatataas sa ating batas.
Para sagutin ang iyong katanungan, nakasaad sa Articles 19 at 20 ng Revised Penal Code ang mga sumusunod:
“Article 19. Accessories. - Accessories are those who, having knowledge of the commission of the crime, and without having participated therein, either as principals or accomplices, take part subsequent to its commission in any of the following manners:
1. By profiting themselves or assisting the offender to profit by the effects of the crime.
2. By concealing or destroying the body of the crime, or the effects or instruments thereof, in order to prevent its discovery.
3. By harboring, concealing, or assisting in the escape of the principals of the crime, provided the accessory acts with abuse of his public functions or whenever the author of the crime is guilty of treason, parricide, murder, or an attempt to take the life of the Chief Executive, or is known to be habitually guilty of some other crime.
Article 20. Accessories who are exempt from criminal liability. - The penalties prescribed for accessories shall not be imposed upon those who are such with respect to their spouses, ascendants, descendants, legitimate, natural, and adopted brothers and sisters, or relatives by affinity within the same degrees, with the single exception of accessories falling within the provisions of paragraph 1 of the next preceding article.”
Sang-ayon sa nabanggit na mga batas, ang isang indibidwal ay maituturing na accessory sa krimeng naganap kahit siya pa ay hindi katulong sa paggawa nito, ngunit siya ay kumita sa naganap na krimen, o tumulong sa pagtago ng ebidensya nito, o tumulong sa pagtakas ng akusado.
Gayunpaman, mayroon namang mga pagkakataon kung saan ang accessory sa krimen ay hindi pa rin mapapatawan ng kaparusahan. Ayon sa Article 20, ang asawa, mga magulang, lolo, lola, mga anak, apo, mga kapatid, o kamag-anak ng kanyang asawa, na hindi kumita sa krimeng naganap, ay hindi pa rin mapapatawan ng parusa kahit pa sila ay maituturing na accessory sa krimen.
Sa sitwasyon ng iyong ina, maaari siyang ituring na accessory sa krimen ng murder dahil sa pagtulong sa iyong kapatid na makatakas at makapagtago sa mga awtoridad. Ngunit, hindi siya mapapatawan ng parusa sapagkat kabilang siya sa mga nabanggit na indibidwal sa Article 20 ng Revised Penal Code.
Gayunpaman, mayroon tayong batas ukol sa obstruction of justice (Presidential Decree No. 1829) na nagbabawal sa mga gawaing humaharang, pumipigil, o nagpapatagal sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga kasong kriminal. Isa na nga rin ang pagtago o pagkupkop, at pagtulong sa pagtakas ng isang suspek. Kaya naman, kung maipakikita na pumigil o humarang sa imbestigasyon ng ating kapulisan ang ginawa ng iyong ina, maaari siyang magkaroon ng pananagutan dahil sa obstruction of justice.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments