Magpapalit ng bata sa iba at mag-aabandona sa lehitimong anak, lagot!
- BULGAR
- Oct 16, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 16, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang pamangkin ko ay bago pa lamang nagtatrabaho sa ospital. Mayroong nakapagsabi sa kanyang katrabaho na mayroon diumanong mag-asawa na nagpunta sa nasabing ospital na nais pagpalitin ang anak nila sa ibang bata na ipinanganak din doon sa ospital na iyon. Hindi niya alam kung totoo ba iyon o tsismis lamang. Maaari bang parusahan ang sinumang gagawa ng bagay na iyon? Sana ay masagot ninyo ang tanong ko, para rin mapayuhan ko ang pamangkin ko at magkaroon siya ng kaalaman sa batas. – Ronnie
Dear Ronnie,
Ang pagpapanggap o pamemeke ng kapanganakan, ang pagpapalit ng bata sa iba at ang pagtatago o pag-aabandona sa lehitimong anak upang mawala ang kanyang totoong sibil na estado ay mayroong angkop na kaparusahan sa ating batas. Partikular na nakasaad sa Article 347 ng ating Revised Penal Code (RPC), na naamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10951, o mas kilala bilang “An Act Adjusting the Amount or the Value of Property and Damage on Which a Penalty is Based and the Fines Imposed Under the Revised Penal Code, Amending for the Purpose Act No. 3815, Otherwise Known as “The Revised Penal Code”, as Amended” ang sumusunod:
“Section 90. Article 347 of the same Act is hereby amended to read as follows:
“Art. 347. Simulation of births, substitution of one child for another and concealment or abandonment of a legitimate child.— The simulation of births and the substitution of one child for another shall be punished by prision mayor and a fine of not exceeding two hundred thousand pesos (₱200,000).
“The same penalties shall be imposed upon any person who shall conceal or abandon any legitimate child with intent to cause such child to lose its civil status.
“Any physician or surgeon or public officer who, in violation of the duties of his profession or office. shall cooperate in the execution of any of the crimes mentioned in the two (2) next preceding paragraphs, shall suffer the penalties therein prescribed and also the penalty of temporary special disqualification.” (Binigyang-diin)
Kung kaya ay magiging mainam na pagsabihan at payuhan ninyo ang inyong pamangkin na huwag tumanggap ng alok o kaya ay makisama sa sinumang nais gumawa ng alinman sa mga nabanggit na krimen, lalo pa at bago pa lamang siya sa kanyang trabaho at maaaring marami pa siyang hindi alam kaugnay sa mga nangyayari sa kanilang trabaho. Ipabatid ninyo sa kanya na maaari siyang mapatawan ng kaparusahang pagkabilanggo at fine kung siya ay lalahok sa anumang ilegal na gawain tulad ng mga nabanggit.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments