top of page

Maging handa sa pagbabago, artificial intelligence, gamitin ng wasto

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 39 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 7, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakalungkot isipin na sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, mahigit isang-kapat ng kabuuang trabaho sa Pilipinas ang apektado ng Generative Artificial Intelligence (GenAI). Batay sa datos ng International Labour Organization (ILO), umaabot sa 27.2% ng mga trabaho sa bansa—katumbas ng humigit-kumulang 12.7 milyong manggagawa—ang may potensyal na maapektuhan ng teknolohiyang ito.


Pinakamataas ito sa buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na nagpapakita ng pangangailangang seryosong tugunan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mismong manggagawa.


Hindi agad nangangahulugan ang exposure ng pagkawala ng hanapbuhay. Ayon sa ILO, mas malinaw ang epekto nito sa pagbabago ng gawain at responsibilidad sa loob ng isang propesyon. Gayunpaman, para sa karaniwang manggagawa, ang salitang “pagbabago” ay kadalasang may kasamang takot. Para sa mga pamilyang umaasa sa kakarampot na sahod, ang kahit kaunting pagbabago sa trabaho ay direktang nakaaapekto sa pagkain sa mesa, edukasyon ng anak, at pang-araw-araw na gastusin.


Sa sektor ng kababaihan, tinatayang 40.3% ng mga trabahong pinamumunuan ng kababaihan ang exposed sa GenAI, higit na mataas kaysa sa 19.3% ng kalalakihan. Ipinapakita nito na ang teknolohikal na pagbabago ay may malaking epekto sa panlipunan at kasarian. Kung hindi mapaghahandaan, maaaring lumalim ang agwat sa oportunidad at seguridad sa trabaho, lalo na sa mga industriyang dominado ng kababaihan tulad ng clerical work, media, at edukasyon.


Nanawagan ang ILO ng mas agresibong upskilling at reskilling programs, kasabay ng matibay na proteksyon sa mga manggagawa. Hindi sapat ang panawagan kung walang malinaw na aksyon. Dapat abot-kamay, libre o subsidized, at nakaangkla sa aktwal na pangangailangan ng merkado ang mga pagsasanay. Higit sa lahat, kailangan ng malinaw na safety nets para sa mga maaapektuhan sa panahon ng pagbabago.


Ang GenAI ay hindi kalaban kundi kasangkapan. Ang tunay na banta ay ang kawalan ng paghahanda at malasakit. Kung gagamitin nang may direksyon, regulasyon, at malasakit sa tao, maaaring maging tulay ang teknolohiya sa mas produktibong ekonomiya. Ngunit kung pababayaan, magiging pribilehiyo lamang ng iilan ang progreso. Ngayon, kailangan tiyakin na ang pag-unlad ay may kasamang dignidad, seguridad, at pag-asa para sa bawat manggagawang Pilipino.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page