Mag-asawa na gustong ipa-void ang kasal dahil madalas magtalo
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 30, 2021
Dear Chief Acosta,
Madalas kaming nagtatalo ng asawa ko matapos ang ilang taon naming pagsasama bilang mag-asawa. Umabot na sa punto na gusto na naming tapusin ang aming kasal at maghiwalay na lamang. Dahil dito, nakapagtanong ako sa kumare kong nagtatrabaho sa munisipyo kung ano ang maaaring gamiting dahilan para legal na putulin ang aming kasal.
Pinayuhan niya ako na tingnan diumano ang marriage license namin. Ito ay matapos niyang mapansin na iba ang lugar kung saan namin nakuha ang marriage license sa lugar kung saan kami ikinasal. Kami kasi ay ikinasal sa Bacolod City pero sa Tarlac namin nakuha ang marriage license namin dalawang buwan bago kami ikinasal.
Tama ba ang kumare ko na maaari itong magamit na dahilan para mapawalang bisa ang kasal namin dahil sa iregularidad sa marriage license namin? – Den-Den
Dear Den-Den,
Upang masagot ang inyong inilalapit na katanungan, sasangguni tayo sa Family Code of the Philippines na naghahayag na ang pagkakaroon ng wastong marriage license ay isa sa mga itinuturing na mahalagang pangangailangan sa pagkakaroon ng legal na kasal.
(Article 2) Mula rito, lumalabas na may epekto ang pagiging wasto ng marriage license sa pagiging wasto ng kasal.
Sa kabila nito, ang naging payo sa inyo ng inyong kumare tungkol sa nakita niya diumanong iregularidad ng marriage license ninyo dahil sa pagkakaiba ng lugar kung saan ito nakuha at kung saan ito ginamit sa lugar ng inyong kasal ay hindi lubos na tama. Ito ay dahil hayagang nakatakda sa batas ang kinasasaklawang lugar ng marriage license, kung saan sinasabi ang sumusunod:
“Art. 20. The license shall be valid in any part of the Philippines for a period of one hundred twenty days from the date of issue, and shall be deemed automatically cancelled at the expiration of the said period if the contracting parties have not made use of it. The expiry date shall be stamped in bold characters on the face of every license issued. (65a)” [Family Code of the Philippines]
(Binigyang-diin)
Ibig sabihin nito, ang marriage license ay maaaring magamit saanmang lugar sa buong Pilipinas sa loob ng 120-araw mula sa pagpapalabas nito.
Alinsunod dito, ang inyong marriage license na nakuha sa Tarlac dalawang buwan bago kayo ikinasal sa siyudad ng Bacolod ay may bisa pa rin at hindi makaaapekto sa bisa ng inyong kasal. Taliwas sa naging payo sa inyo ng inyong kumare, makikita mula sa mga detalyeng nabanggit na walang iregularidad ang inyong marriage license. At dahil dito, hindi ito magagamit na batayan para ipawalang bisa ang inyong kasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments