top of page

Maagang deklarasyon, malalim na plano

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 22, 2026



Fr. Robert Reyes


Noong nakaraang Miyerkules, nagdeklara ang Bise Presidente ng kanyang pagtakbo sa pagka-Presidente sa halalan ng 2028. Agad namang umalingawngaw ang social media sa samu’t saring reaksyon—may pumapalakpak, may bumabatikos. Hindi man ito ikinagulat ng kanyang mga tagasuporta, marami sa ibang kampo ang nabigla, lalo na ang mga may plano ring tumakbo sa 2028.


Sa totoo lang, hindi rin ito nakakagulat. Maituturing na mahusay ang timing ng anunsyo, lalo’t ilang araw na lamang ay sisimulan na ang paglilitis ng kanyang ama sa International Criminal Court (ICC). Makalipas ang dalawang araw mula sa kanyang deklarasyon, lumabas ang balitang hindi dadalo ang kanyang ama sa pagbubukas ng paglilitis sa The Hague, Netherlands.


Sa pulitika, bihirang may nagaganap na hindi planado. Kadalasan, ang bawat pahayag at kilos ay bahagi ng mas malawak na estratehiya na inilalatag sa tamang panahon.


Matapos ang deklarasyon ng Bise Presidente, agad ding lumutang ang tanong: Sino ang magiging katuwang niya bilang Bise Presidente? Noong nakaraang buwan, sinabi ni Mariel Rodriguez na hindi na tatakbo ang kanyang asawang si Robin Padilla sa anumang posisyon. Ngunit kamakailan, nagpahayag ang aktor-senador na handa siyang tumakbo sa Eleksyon 2028—kung hihilingin umano ito ng ama ng Bise Presidente. Mga pahayag na tila biglaan, ngunit maaaring bahagi rin ng mas mahabang

paghahanda.


Magkakaugnay ba ang mga pangyayaring ito? Ang pagtakbo ng Bise Presidente, ang desisyon ng dating Pangulo kaugnay ng ICC, at ang kondisyonal na pagpayag ng isang senador na tumakbo? Sa pulitika, walang hiwa-hiwalay na pangyayari; madalas, magkakadugtong ang mga ito sa iisang layunin.


Habang abala ang publiko sa mga usaping ito, may iba pang mga pulitikong nakapwesto ngayon na posibleng maglatag din ng kani-kanilang plano para sa 2028.


Alam ng lahat na may hidwaan ang kampo ng Pangulo at ng Bise Presidente. At sa larong ito ng kapangyarihan—parang “musical chairs”—ang bawat kampo ay gagawa ng paraan upang manatili o makabalik sa puwesto.


Hindi na nakapagtataka ang mga tila pabigla-biglang desisyon ng mga pulitiko. Madalas, bunga ito ng maingat na pagpaplano. Ngunit ang mas mahalagang tanong: Ang mga planong ito ba ay tunay na para sa kapakanan ng bayan? Para ba ito sa pagbabago, kaunlaran, pagkakaisa, at kapayapaan?


Matagal nang nakaugat sa pulitika ang ilang pamilyang kilala sa bansa—mula sa mga lalawigan hanggang sa pambansang antas. Naging bahagi na sila ng tinatawag na political dynasties. At sa mga dinastiya, iisa ang pangunahing layunin: panatilihin o mabawi ang kapangyarihan.


Sa gitna ng lahat ng ito, naalala ko ang ebanghelyo noong nakaraang Sabado. Tinawag ni Hesus si Levi, isang maniningil ng buwis na kinamumuhian ng marami dahil sa katiwalian. Nang kwestiyunin ng mga Pariseo kung bakit nakikisalamuha si Hesus sa mga makasalanan, sumagot Siya: “Hindi ako naparito para sa mga matuwid kundi para sa mga makasalanan.” At sinabi Niya kay Levi, “Sumunod ka sa akin.” Agad namang iniwan ni Levi ang kanyang hanapbuhay at sumunod. (Lukas 5:27–32)


Ang paanyayang ito ay hindi lamang para sa isang tao o sa iilang pulitiko. Ito ay para sa ating lahat. Ano ang ibig sabihin ng “iwanan ang lahat”? Higit sa lahat, iwanan ang maling gawi—ang kultura ng katiwalian, ang “over the table” at “under the table” na sistema na matagal nang kinagisnan ng marami sa pamahalaan.


May isang “bigla” na ipinagdarasal ko: ang biglang pagbabago ng puso ng sinumang nasa pulitika. Ang biglang pagtalikod sa makasariling interes. Ang biglang pakikinig at pagsunod sa tinig ng Panginoon—para sa kapakanan ng bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page