Maaari lamang ipambayad ang barya kung hindi hihigit ₱50
- BULGAR
- Oct 28, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 28, 2021
Dear Chief Acosta,
May naipon akong baryang tig-pipiso sa aking alkansiya na mahigit P1-K. Gagamitin ko sana ito bumili ng sapatos, ngunit hindi ito tinanggap ng tindahan dahil hindi diumano sila tumatanggap ng barya, lalo na kapag malaking halaga ito. Tama ba ang ginawa nilang pagtanggi sa aking pera bilang pambayad sana ng aking nabili sa kanila? – Quintin
Dear Quintin,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 57 ng Republic Act (R. A.) No. 7653, kung saan nakasaad na:
“SEC. 52. Legal Tender Power. _ All notes and coins issued by the Bangko Sentral shall be fully guaranteed by the Government of the Republic of the Philippines and shall be legal tender in the Philippines for all debts, both public and private: Provided, however, That, unless otherwise fixed by the Monetary Board, coins shall be legal tender in amounts not exceeding fifty pesos (P50) for denominations of twenty-five centavos and above, and in amounts not exceeding twenty pesos (P20) for denominations of ten centavos or less.”
(Binigyang-diin)
Kaugnay nito, upang mabigyan ng halaga ang inyong barya, maaari lamang ninyong gamitin ito kung ito ay hindi hihigit sa ₱50 halaga kapag ang denomination ng barya ay dalawampu’t-limang sentimos o mahigit. Kapag ang denomination naman ng barya ay sampung sentimo o kulang sampung sentimo, puwede ninyo itong magamit kapag ang halaga ay hindi hihigit ng ₱20. Dahil ang inyong barya ay tig-piso, maaari lamang ninyong gamitin ito na pambayad kung ito ay hindi hihigit ₱50.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments