top of page

Luxury cars at mansyon ng mag-asawang Discaya at Zaldy Co, ipasubasta na!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 28, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SABI NI PBBM BAGO MAGPASKO, MAY MGA SEN. AT CONG NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL ANG MAKUKULONG, PERO  MARSO 2026 NA AY WALA PA RIN – Noong Nobyembre 13, 2025, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na bago mag-Pasko ay may mga incumbent senators at congressmen na sangkot sa flood control scandal ang makukulong sa city jail. Ngunit ngayong Marso 1, 2026, wala pa ring nakukulong sa mga tinukoy ng presidente. Ang tanging nakulong lang ay si dating Sen. Bong Revilla. 


Ang nais ipunto rito ay bilang presidente, hindi dapat magsalita si PBBM ng mga bagay na hindi niya kayang panindigan. Hindi maganda para sa imahe ng pangulo ng Pilipinas na tila walang salita o palabra de honor. Period!


XXX


WALANG 'K' SI VP SARA BUMATIKOS SA KORUPSIYON NG MARCOS ADMIN KASI DAWIT DIN SIYA SA P650M CONFI FUNDS ANOMALY – Dapat may magpayo kay Vice President Sara Duterte na tigilan muna ang pagbibigay-batikos sa mga katiwalian sa administrasyon ni Marcos, lalo sa isyu ng flood control scandal. May kinasasangkutan din siyang usapin ng katiwalian, ito ang P650 milyon na confidential funds na hindi niya maipaliwanag kung saan talaga napunta.


Ika nga, hangga’t hindi niya naipapaliwanag nang maayos ang paggamit ng P650M confidential funds at hindi napapatunayan na walang katiwalian sa kanyang hawak, wala siyang K mambatikos sa mga katiwalian ng Marcos administration. Boom!


XXX


AKALA SIGURO NG MALACAÑANG AT SENADO LIMOT NA NG KAPATIRAN NG INC ANG FLOOD CONTROL SCANDAL, HINDI PA PALA – Muling nagpalabas ng mensahe ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Malacañang, na hinihikayat ang gobyerno na tuparin ang pangakong pananagutan sa mga sangkot sa flood control scandal. Kasabay nito, nanawagan din ang INC sa Senate Blue Ribbon Committee na muling buksan ang imbestigasyon, lalo na sa mga ibinulgar ng 18 ex-marines at army soldiers na dating tauhan ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co tungkol sa alegasyong pag-deliber ng malalaking perang kickback na ibinigay sa ilang pulitiko at opisyal ng gobyerno.


Malamang, naturete na naman ang Malacañang at Senado sa isyung ito, kasi akala nila limot na ng INC ang flood control scandal—hindi pa pala. Period!


XXX


HINDI LANG LUXURY CARS NG MAG-ASAWANG DISCAYA AT NI ZALDY CO ANG DAPAT ISUBASTA, KUNDI PATI MGA MALA-PALASYO NILANG TAHANAN – Tulad ng mga kumpiskadong imported luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na isinusubasta na, ipapasubasta na rin ng Bureau of Customs (BOC) ang mga mamahaling sasakyan ng dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.


Sana, pati ang mga mansyon ng mag-asawang Discaya at ni Zaldy Co ay kumpiskahin at ipasubasta ng gobyerno, dahil mula rin sa pera ng bayan ang ipinampagawa nila sa kanilang mala-palasyo na tahanan. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page