Lupit sa Athletics, ipakikita nina Caimoso at Ubas sa SEAG
ni MC / Gerard Arce - @Sports | December 28, 2021

Bilang all-around tracksters, may tsansa ang Ilongga runner na si Alexei Mae Caimoso na maipakita ang kahusayan sa 31st Southeast Asian Games sa 2022 nang magreyna sa women’s Heptathlon event, habang si 2019 biennial meet decathlon bronze medalist Janry Ubas ay naghari naman sa men’s Heptathlon event noong bago mag-Pasko sa 2021 Ayala Philippine Athletics Championship sa Baguio City.
Nakagawa ng 4,734 points ang dating Palarong Pambansa queen at miyembro ng National University Lady Bulldogs athletic team na nagmistulang daan niya sa Vietnam meet simula Mayo 12-23 matapos mahigitan ang standard qualifying points na 4,730.
Dinaig ng 5-foot-9 na si Caimoso ang reigning SEA Games gold medalist na si Sarah Dequinan na nabigong makalahok sa huling event ng Heptathlon na 800-meter event dulot ng ankle sprain, kung kaya’t nagtapos lang ito sa kabuuang 4,182 points, habang pumangalawa kay Caimoso si Josefa Ligmayo sa 4,349 at pumangatlo si Jelly Diane Paragile sa 4,242.
Sumabak sa pitong track and field events ang mga lady runners sa 100m hurdles, high jump, shot put, 200-m, long jump, javelin throw at 800-m. Nagawang manguna ni Caimoso sa long jump at 800-m, habang pumangalawa ito sa halos lahat ng event maliban sa shot put sa third place. Pinagharian naman ng 27-anyos mula Balubal, Cagayan De Oro ang men’s heptathlon sa nakulektang 5,109 points.
Samantala, hindi na ipagpapatuloy ng Philippine Sports Commission ang alok na pagpagitna sa kontrobersiya sa pagitan nina national Pole vaulter Ernest John Obiena at ng PATAFA.
Ang kapasyahan na ito ng PSC ay bunsod ng naging desisyon ni Obiena na nakapaskel sa kanyang social media account. Kung saan nirerespeto na rin ng sports agency ang pagsumite niya ng mga dokumento sa ibang institusyon na mangangasiwa sa kanyang kaso. "We have to underscore that mediation should be the first course of action being the more peaceful, equitable, confidential, voluntary option to resolve issues. The PSC though is keeping its doors open to the process should both parties agree to it in the future," ayon sa statement ng PSC.





Comments