Michael Jordan, nag-donate ng $10M sa UNC bilang parangal sa ina

by BRT @News | October 7, 2026

Photo: Courtesy UNC & Kevork Djansezian - Getty Images
Naglaan ng $10 milyon ang six-time NBA champion na si Michael Jordan para sa University of North Carolina (UNC) School of Social Work bilang parangal sa kanyang ina na si Deloris P. Jordan.
Ito ang pinakamalaking single donation sa kasaysayan ng School of Social Work at gagamitin para palawakin ang mga programa ng paaralan.
Dahil sa donasyon, papalitan ang pangalan ng Global Social Development Innovations Center bilang Deloris P. Jordan Global Social Development Innovations Center at Jordan Institute for Families.
Magtatatag din ng Jordan Family Scholars program na magbibigay ng scholarship sa mga estudyante ng Master of Social Work na nangangailangan ng dagdag na tulong pinansyal.
Sampung estudyante ang unang mapipili bilang Jordan Family Scholars at bawat isa ay makatatanggap ng $12,500 scholarship.
Ayon kay Jordan, mahalaga sa kanyang ina ang pagtulong sa mga bata, pamilya at komunidad kaya makabuluhan para sa kanilang pamilya ang pag-aalay ng donasyon sa UNC.
Naglaro si Jordan para sa North Carolina Tar Heels mula 1981 hanggang 1984 at naging bahagi ng NCAA championship team noong 1982. Nakuha rin niya ang kanyang bachelor’s degree mula sa UNC noong 1986.





Comments