Liwanagan ninyo San Jose ang mga lider ng bansa upang muling isulong ang kapayapaan
- BULGAR

- 51 minutes ago
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 21, 2026

Pista ni San Jose noong nakaraang Huwebes, ika-19 ng Marso 2026. Binalikan natin ang mga alaala ng paghuhubog at paghahanda sa pagpapari sa Seminaryo ng San Jose. Mahigit limampung taon na ang lumipas mula nang tayo’y pumasok dito noong 1970.
Taon-taon, tuwing Pista ni San Jose, ginugunita ng mga nagtapos sa aming seminaryo ang kanyang halimbawa bilang asawa ni Maria at ama ni Hesus.
Sa Ebanghelyo ng kapistahan, muling narinig ang mapaghamong simula ng pagsasama nina Jose at Maria. Nais sanang hiwalayan ni Jose si Maria nang matuklasan niyang ito’y nagdadalang-tao. Ngunit bilang isang matuwid at mabuting tao, binalak niya itong gawin nang lihim. Sa pamamagitan ng panaginip, ipinaliwanag ng anghel na ang pagdadalang-tao ni Maria ay mula sa Espiritu Santo. Naniwala si Jose at piniling panindigan si Maria. Mula noon, nanatili siyang tahimik ngunit matatag na haligi ng kanilang pamilya.
Maraming pagsubok ang kanilang hinarap, ngunit hindi natigatig si Jose. Nakaugat ito sa kanyang matibay na pananampalataya. Kaya masasabi natin: Sa pananalig ni San Jose, walang mananaig.
Sa isang misa sa aming parokya, tinanong natin ang mga dumalo: Ano ang pagkakaiba ng karamihan sa mga lalaki kumpara sa halimbawa ni Jose? Nanatiling tahimik ang lahat—lalaki man o babae. Marahil, ito’y paalala na kailangan pang higit na mapalalim ang pag-unawa sa kanyang halimbawa bilang lalaki, asawa, ama, at lider.
Ang lakas ni Jose ay nagmula sa kanyang buhay-pananalangin at pagninilay. Hindi ito paminsan-minsan lamang, kundi bahagi ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Ang bawat desisyon niya ay nakabatay sa liwanag ng kanyang pananampalataya—kaya naging matatag ang kanyang loob.
Makikita ang bunga nito sa kanyang pagiging asawa at ama. Pinrotektahan niya si Maria at si Hesus sa gitna ng panganib, lalo na noong ipag-utos ni Herodes ang pagpatay sa mga sanggol. Nanatili siyang mahinahon ngunit matapang na tagapangalaga ng kanyang pamilya.
Sa aming seminaryo, may isang istatwa nina Jose at Hesus na nagbibigay ng malalim na inspirasyon. Nakaakbay si Jose sa kanyang anak, habang magkahawak ang kanilang kamay at nagkakatitigan nang may pagmamahal at pagtitiwala. Isang paalala ito sa mga ama—hindi lamang maging istrikto, kundi maging mahinahong gabay at matiyagang kasama sa paglalakbay ng kanilang mga anak.
Bilang lider, ipinapakita ni San Jose na ang tunay na lakas ay nagmumula sa panalangin, pagninilay, at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan, nagiging posible ang makatarungan at mapayapang pamumuhay.
O San Jose, banal na asawa ni Maria, ama ni Hesus, at huwarang lider—ipanalangin mo kami.




Comments