Ligtas Pinoy Centers Act para sa mabilis na aksyon vs. kalamidad
- BULGAR

- 15 hours ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 5, 2026

Ngayong nagsimula na ang Habagat season na inaasahang magdudulot ng malalakas na ulan at pagbaha, paalala ito sa ating lahat na hindi dapat maging huli ang paghahanda sa kalamidad. Dahil dito, mahalagang maging alerto ang mga komunidad, lalo na sa mga lugar na madalas bahain o may panganib ng landslide.
Bilang inyong senador, patuloy kong itinutulak ang mga batas at programa para sa mas matibay na paghahanda sa kalamidad. Bilang principal author at co-sponsor ng Republic Act No. 12076, o Ligtas Pinoy Centers Act, mahalaga sa akin na maipatupad nang maayos ang batas na ito. Layunin ng RA 12076 na magkaroon ng permanente, disaster-resilient, at kumpletong evacuation centers sa buong bansa.
Marami sa ating mga paaralan, covered courts, at iba pang pampublikong pasilidad ang nagagamit bilang pansamantalang evacuation areas tuwing may kalamidad. Nakakatulong ang mga ito sa oras ng pangangailangan, pero kailangan din natin mas angkop at mas ligtas na pasilidad para sa mga pamilyang kailangang lumikas. Panahon na para protektahan natin ang dignidad ng mga evacuee.
Muli ko ring inihain ang panukalang Senate Bill No. 173, o ang Department of Disaster Resilience Bill, na naglalayong magkaroon ng isang nakatutok na ahensya para pag-isahin ang disaster risk reduction, preparedness, response, at rehabilitation efforts. Sa mga ganitong sitwasyon, mahalaga ang koordinasyon, bilis ng aksyon, at pananagutan sa bawat yugto ng pagtugon.
Patuloy din nating isinusulong ang SBN 415, o ang proposed Rental Housing Subsidy Program. Layunin nito na makatulong sa mga pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa kalamidad habang sila ay bumabangon, nag-aayos ng bahay, o naghihintay ng mas permanenteng tirahan.
Hindi rin natin dapat kalimutan ang mga disaster responders at frontliners. Sila ang unang sumusuong sa panganib para tumulong sa ating mga kababayan. Kaya ipaglalaban natin na maisabatas ang SBN 669, o ang Hazard Pay for Disaster Personnel bill, na naglalayong mabigyan ng hazard pay ang disaster responders sa panahon ng kalamidad.
Kasama rin sa mga panukalang aking itinutulak ang SBN 666, o ang New Building Code bill, na layuning i-update ang ating construction standards para mas mapalakas ang kaligtasan at resilience ng mga gusali at imprastruktura sa bansa.
Napakahalaga ng paghahanda dahil sa bawat kalamidad, buhay ang nakataya. Tandaan po natin na ang mga bahay at gamit na nasira ay naaayos o nabibili, ngunit ang ating buhay ay hindi. A lost life is a lost life forever, kaya’t magtulungan po tayo at gawing prayoridad ang kaligtasa ng bawat isa.
Samantala, kahit holiday noong May 26, binisita natin ang mga biktima ng sunog mula sa Barangay 132, Caloocan City at nagbigay ng agarang tulong. Nakasama natin sina Mayor Along Malapitan at Barangay Captain Rey Mariano.
Sa Cabuyao City, Laguna, personal tayong nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Governor Sol Aragones upang magpaabot ng tulong sa 2,743 women beneficiaries noong May 28. Kinikilala rin natin ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapatatag ng pamilya, pag-angat ng komunidad, at pag-ambag sa pag-unlad ng ating bansa sa pamamagitan ng kanilang sipag, katatagan, at dedikasyon.
Noong May 29, bumisita rin tayo sa Parañaque City upang magbigay ng tulong sa 1,094 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay San Antonio, sa pakikipag-ugnayan kina Barangay Captain Pol Casale at Councilor Binky Favis.
Nitong June 3, bumisita rin tayo sa Brgy. Baseco, Manila, upang mamahagi rin ng tulong sa mga 87 na pamilyang nasunugan. Katuwang natin sila Councilor Charry Ortega at Barangay Chairwoman Diane Espinosa.
Samantala, noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong ang ating team sa mga kababayang nangangailangan habang inalalayan nila ang mga biktima ng sunog sa Pasay City, Quezon City, Zamboanga City, Caloocan City at Davao City.
Tinulungan din ang mga biktima ng sunog mula sa Muntinlupa City at Taguig City na patuloy na bumabangon, at nakatanggap din sila ng karagdagang tulong mula sa gobyerno upang muling maitayo ang kanilang mga tahanan.
Nakibahagi rin ang ating team sa pagpupulong ng Vice Mayors' League - Bukidnon Chapter, kung saan ipinaabot natin ang patuloy na suporta sa mga lokal na opisyal na may mahalagang papel sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa kanilang mga nasasakupan.
Patuloy kong susuportahan ang mga programang ito dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments