top of page

Ligtas na evacuation centers, isinusulong para sa mga biktima ng kalamidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 20 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 20, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Noong nakaraang linggo, sunud-sunod ang aking pagbisita o pagtulong sa mga lugar na naapektuhan ng sunog at ng Bagyong Basyang. Pinuntahan natin mismo ang mga nasunugan at nagpadala tayo ng tulong sa mga pamilyang inilikas dahil sa baha at malakas na hangin. Nakipag-usap tayo sa kanila, inalam ang agarang pangangailangan, at naghatid ng kaunting tulong.


Sa bawat lugar na aking napuntahan, makikita ang tibay ng Pilipino. May mga nawalan ng bahay, may mga nasira ang kabuhayan, ngunit nananatiling matatag. Marami ang nagsabi sa akin na magsisimula silang muli. Iyan ang likas sa atin—kahit ilang pagsubok ang dumaan, bumabangon pa rin.


Bilang lingkod-bayan, tuluy-tuloy ang aking pagtatrabaho, tuluy-tuloy ang pagmamalasakit. Hindi dapat huminto ang serbisyo dahil ang pangangailangan ng tao ay hindi rin humihinto. Sabi ko nga sa mga kababayan nating nasalanta, nandito lang ako para tumulong sa abot ng aking makakaya at sisikapin kong maihatid ang kinakailangang suporta upang makabangon sila sa lalong madaling panahon.


Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Ang gamit ay napapalitan, pero ang buhay ay hindi. A lost life is a lost life forever. Magtulungan lang tayo, sino ba naman ang magtutulungan kundi tayong mga kapwa Pilipino.


Sa mga lugar na tinamaan ng sunog, nakita ko ang hirap ng mga pamilyang biglang nawalan ng tirahan – may mga batang nag-aaral pa rin sa kabila ng nangyari o kaya naman may mga magulang na iniisip agad kung paano magsisimula ulit ng kabuhayan. Sa mga evacuation center naman, kapansin-pansin ang siksikan at kakulangan sa maayos na pasilidad sa ilang lugar. Dito ko lalong nakita ang pangangailangang paghusayin pa ang ating disaster preparedness at mga pasilidad para sa mga evacuees.


Hindi sapat ang agarang suporta lamang. Mahalaga ang pangmatagalang solusyon. Kaya patuloy kong isinusulong ang mas matibay na mga programa para sa disaster resilience at pabahay upang mas maprotektahan at masuportahan ang ating mga komunidad.


Ako ang principal author at co-sponsor ng Republic Act No. 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act. Layunin ng batas na ito ang pagtatayo ng permanente, matibay, at kumpletong evacuation centers sa buong bansa. Dapat may maayos, ligtas, at disenteng lugar ang mga kababayan natin tuwing may sakuna. Hindi sila dapat nakikipagsiksikan sa mga pasilidad, katuld ng mga paaralan, na hindi sapat para sa kanilang pangangailangan.


Bukod dito, muli kong inihain ang Senate Bill No. 173 o ang panukalang Department of Disaster Resilience Act. Layunin nitong magtatag ng isang hiwalay at dedikadong ahensya na magbubuklod sa disaster risk reduction, preparedness, response, at rehabilitation sa ilalim ng iisang institusyon. Mas magiging malinaw ang koordinasyon at mas magiging mabilis ang aksyon kung may iisang ahensyang nakatutok dito.


Likas sa mga Pilipino ang pagiging matibay sa harap ng pagsubok. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hahayaan na lang natin ang paulit-ulit na paghihirap. Bilang inyong senador, magtatrabaho ako, lalo na sa panahong nangangailangan ang kapwa natin Pilipino.


Noong February 11, personal nating tinulungan ang 33 biktima ng sunog sa Barangay 580, Sampaloc, Maynila. Habang noong February 13 naman, nagtungo tayo sa Barangay 76-A, Davao City upang tumulong sa 199 na Davaoeño na naapektuhan at lumikas dahil sa kamakailang insidente ng sunog.


Kasabay nito, ang ating team ay nagbigay din ng tulong sa iba’t ibang kababayan na nangangailangan, kabilang ang mga biktima ng sunog sa Puerto Princesa City, Palawan; Brgy. Punta Dumalag III, Davao City; Marilao, Bulacan; at Las Piñas City. 


Nagbigay rin ang team ng tulong sa mga naapektuhan ng Tropical Storm Basyang sa iba’t ibang bayan sa Agusan del Norte, tulad ng Cortes and Carmen sa Surigao del Sur; at Cabadbaran City, Tubay, at Kitcharao.


Samantala, nakatanggap din ng karagdagang tulong ang mga scholar ng Seamen Center sa kanilang graduation sa Sariaya, Quezon, pati na rin ang mga displaced workers sa Batangas City. Tumulong din tayo sa mga indigent students sa Baguio City.


Pinuntahan naman ng aking team ang blessing ng bagong Super Health Center sa Talakag, Bukidnon. 


Hindi kami titigil sa pagsuporta at paggawa ng mga batas para sa mga Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page