top of page

Life insurance proceeds, dapat maibigay sa loob ng 60 araw

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 9, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Limang taon na ang nakalipas nang kumuha ang ama ko ng life insurance upang matiyak na may sapat akong pondo para matapos ang pag-aaral ko sakaling siya ay pumanaw nang maaga. Sa kasamaang-palad, nasangkot siya sa isang aksidente at pumanaw  noong  nakaraang  buwan. Dahil  kailangan  ko  nang  magbayad  ng  aking matrikula, nais kong malaman kung gaano katagal bago ko matanggap ang life insurance ng ama ko. Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Niki



Dear Niki,


Ang Republic Act (R.A.) No. 10607 ay nag-amyenda sa Presidential Decree (P.D.) No. 612 upang palakasin ang industriya ng insurance sa Pilipinas. Inayos nito ang mga patakaran, tinaasan ang kinakailangang kapital ng mga insurance company, at nagpakilala ng mga bagong produkto ng insurance. Nasasad sa Seksyon 248 ng R. A. No. 1060, na kilala bilang Insurance Code of the Philippines, na:


“Section 248. The proceeds of a life insurance policy shall be paid immediately upon maturity of the policy, unless such proceeds are made payable in installments or as an annuity, in which case the installments, or annuities shall be paid as they become due: Provided, however, That in the case of a policy maturing by the death of the insured, the proceeds thereof shall be paid within sixty (60) days after presentation of the claim and filing of the proof of death of the insured.”


Batay sa nabanggit na batas, ang benepisyo ng life insurance ay dapat matanggap ng mga benepisyaryo sa loob ng 60 araw matapos magsumite ng claim at patunay ng pagkamatay ng insured sa insurance company. Kapag nabigo ang insurance company na magbayad sa loob ng nasabing panahon, may karapatan ang benepisyaryo na makatanggap ng interes dahil sa pagkaantala ng bayad.


Upang sagutin ang iyong katanungan, maaari mong matanggap ang proceeds ng life insurance ng iyong ama sa loob ng 60 araw mula nang ikaw ay magpasa ng claim at magsumite ng patunay ng kanyang pagkamatay sa insurance company.


Samantala, kapag tumanggi o nabigong magbayad ang insurance company sa loob ng itinakdang panahon, may karapatan ang benepisyaryo na maningil ng interes sa perang matatanggap mula sa insurance sa buong panahon ng pagkaantala. Ang interes ay doble sa itinakdang rate ng Monetary Board. Ayon sa kapaherong probisyon:


“Refusal or failure to pay the claim within the time prescribed herein will entitle the beneficiary to collect interest on the proceeds of the policy for the duration of the delay at the rate of twice the ceiling prescribed by the Monetary Board, unless such failure or refusal to pay is based on the ground that the claim is fraudulent.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page