top of page

Libreng birth at marriage certificate sa kababaihan ngayong Women’s Month

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | March 7, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng mga kababaihan na ipagdiwang ang kanilang buwan ngayong taon sa paraang kanilang matatamasa at masasabing sila ay pinahahalagahan at inaalagaan mula sa mga benepisyong sila ay makikinabang. 


Hindi sapat na puro selebrasyon at pagbati lamang tuwing National Women’s Month. 

Mas mahalaga ang mga programang direktang tumutulong sa pangangailangan ng kababaihan, gaya ng hakbang ng Philippine Statistics Authority (PSA) na magbigay ng libreng kopya ng birth at marriage certificates sa buong buwan ng Marso.


Inanunsyo ng PSA na tuwing Lunes ng Marso ay maaaring makakuha ng isang libreng birth certificate o marriage certificate ang mga babaeng kliyente sa piling Civil Registry System (CRS) outlets sa Metro Manila. 


Layunin ng programa na gawing mas abot-kaya at accessible ang mahahalagang dokumentong kadalasang kailangan sa trabaho, scholarship, government services, at iba pang legal na transaksyon.


Gayunman, limitado ang bilang ng libreng dokumento kada outlet. Kaya hinihikayat ang mga interesadong kababaihan na magdala ng isang valid ID at magpareserba ng appointment sa kanilang website, o bumisita mismo sa napiling CRS outlet upang makakuha ng karagdagang detalye.


Narito naman ang iskedyul ng libreng serbisyo: 

March 2 – Quezon City Central Outlet (unang 100 kliyente); 

March 9 – Caloocan Outlet (unang 100) at Muntinlupa Outlet (unang 100);

March 16 – Makati Outlet (unang 100); 

March 23 – Bagong Pilipinas eSerbisyo Hub sa San Juan City (unang 20) at Parañaque Outlet (unang 100); 

March 30 – Valenzuela Outlet (unang 100)


Bukod sa libreng dokumento, magsasagawa rin ang PSA ng Civil Registration and National ID Caravan sa March 27 sa Barangay Kaybanban, San Jose del Monte, Bulacan. 

Sa caravan na ito, maaaring magpa-rehistro nang libre para sa National ID, magpa-validate ng impormasyon, at magtanong tungkol sa iba pang serbisyong may kinalaman sa civil registry.


Kasabay nito, inilunsad din kamakailan ng PSA ang E-Certificate Service, isang digital platform na nagpapahintulot sa mga Pinoy na makakuha ng electronic copy ng civil registry documents tulad ng birth at marriage certificates.


Sa ganang akin, mahalaga ang ganitong programa dahil maraming kababaihan ang nangangailangan ng opisyal na dokumento upang makapasok sa trabaho, makapag-apply sa social services, o makapagsimula ng sariling oportunidad. Ang isang simpleng papeles na libre ay maaaring maging susi sa mas malaking pagkakataon sa buhay.


Ang pagdiriwang ng Women’s Month ay hindi lamang tungkol sa pagkilala sa kontribusyon ng kababaihan kundi sa pagbibigay ng tunay na suporta sa kanilang pangangailangan. 


Kapag ang gobyerno ay naglalapit ng serbisyo sa mamamayan, mas nagiging makabuluhan ang selebrasyon dahil nararamdaman ng taumbayan ang konkretong benepisyo nito.


Ang ganitong inisyatiba ay nagpapaalala na ang empowerment ng kababaihan ay hindi lamang simbolo o ginawa lamang para magsaya. Ito ay nakikita sa mga programang nagbibigay ng akses, oportunidad, at paggalang sa kanilang karapatan bilang mahalagang bahagi ng lipunan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page