Lakers pumukpok ng 2-0, 76ers at T'Blazers kumayod
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 23, 2026

Photo: Los Angeles Lakers
Lumaban ng todo ang lumpong Los Angeles Lakers para mabigo ang bisitang Houston Rockets, 101-94, para sa 2-0 lamang sa 2026 NBA Playoffs sa Crypto.com Arena.
Rumehistro rin ng mga malaking tagumpay ang Philadelphia 76ers at Portland Trail Blazers upang pumantay sa kanilang mga hiwalay na seryeng best-of-seven.
Balik-aksyon si Kevin Durant ng Rockets matapos lumiban sa Game 1 na kinuha ng Lakers noong isang araw, 107-98. Saglit tinikman ng Houston ang lamang sa unang buslo ng pangatlong quarter, 51-50 at mula roon ay hindi napigil ang arangkada ng Lakers.
Bumanat ng magkasunod na tres sina LeBron James at Luke Kennard para maging 88-62 at 8 minuto pa. Patuloy ang init nina LBJ at Kennard na tinulungan nina Marcus Smart at DeAndre Ayton para maalagaan ang bentahe.
Nanguna sa pangalawang sunod na laro si Kennard na may 27 habang may 19 at 13 assists si LBJ. Umaasa ang Lakers na gumaling na ang mga pilay nina Luka Doncic at Austin Reaves sa paglipat ng serye sa Houston para sa dalawang laro.
Sumandal ang 76ers sa 30 at 10 rebounds ni rookie VJ Edgecombe para talunin ang Boston Celtics, 111-97. Malaking bagay si Tyrese Maxey na bumitaw ng 12 ng kanyang 29 sa huling quarter.
Tinakasan ng Blazers ang San Antonio Spurs, 106-103, kung saan napilitang lumabas si Victor Wembanyama sa gitna ng 2nd quarter at hindi na naglaro dahil tumama ang ulo sa sahig.




Comments