Best job sa Phl Para athletes sa 7 medalya sa Asian Games

by MC / Elyssa Nichole @Sports News | October 25, 2026

Photo: Ang mga Para athletes na nakahanda na para sa closing ceremony ng 5th Asian Para Games sa Nagoya Japan habang nasa inset si Ma. Ravinia Carpena na naka-bronze sa shotput F20 sa huling araw ng kampanya sa Asiad. (PSC-PPCmedia)
Job well done! Pinasalamatan nina Patrick Gregorio, chairman ng Philippine Sports Commission at Mike Barredo, president ng Philippine Paralympic Committee, ang mga atletang Pilipino matapos ang matinding hamon na nalagay sa overall 17th place ng Pilipinas na may 2 ginto, 2 pilak, at 3 tanso sa 5th Asian Para Games na nagtapos sa Mizuho Park Athletic Stadium.
Matapos ang mahigit isang linggong aksyon, naghatid ng 2 ginto sina tanker Ernie Gawilan at Arjay Alegarbes, 2 pilak mula kay Gawilan at ng pares ng table tennis mixed doubles na sina Wilfred Redulla at Lhey Manginsay, at 3 tanso mula sa swimmer na si Raemond Adefuin, runner na si King James Reyes at shot putter na si Ma. Ravinia Carpena.
Sa Hangzhou 2023, nakakuha ng 10 ginto, 4 na pilak at 5 tanso, kung saan ang chess ay may 8 ginto, 3 pilak at 2 tanso, subalit tinanggal ito sa disiplina sa Nagoya. “It was a very successful performance, congratulations,” sabi ni Gregorio.
Inaabangan na ngayon ng Philippine squad ang susunod na edisyon sa 2031 sa Doha, Qatar, kung saan umaasa silang maipagmamalaki muli ang bansa. "Ang mahalaga ay suportahan natin ang mga Philippine para athlete," sabi ni Gregorio.
Nakipagkita rin sina Gregorio at Barredo sa pangulo ng Asian Paralympic Committee na si Majid Rashed upang talakayin ang mga planong pagtatayo ng unang training center ng Pilipinas na eksklusibo para sa para athletes.





Comments