top of page

Lagot ang mga sangkot ‘pag nagtugma ang mga salaysay nina Zaldy Co, Orly Guteza at 18 ex-marines

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 19, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAMBU-BULLY LANG SI MAYOR BASTE KAYA 'SUNTOK SA BUWAN' NA MAKIPAGSUNTUKAN SIYA KAY RAMIL MADRIAGA – Tinanggap ng detenidong suspek sa kidnapping na si Ramil Madriaga ang hamon ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na mag-suntukan sila.


Gayunman, imbes na purihin ang alkalde, umani ito ng batikos at tawanan mula sa ilang netizens sa social media. Ayon sa kanila, malabong mangyari ang naturang sagupaan at wala itong kabuluhan, dahil tila patuloy lamang na nauuwi sa matitinding pahayag ang ganitong uri ng hamon.


May ilang netizens din ang nagpaalala sa naunang insidente kung saan naghamon din umano si Mayor Baste ng suntukan sa dating hepe ng PNP na si Gen. Nicolas Torre. Ayon sa mga komentaryo online, hindi umano natuloy ang naturang hamon matapos itong tanggapin, at hindi na rin ito nauwi sa aktuwal na pagharap ng magkabilang panig. Boom!


XXX


DAPAT SABAYAN NI PBBM NG SUSPENSYON SA OIL EXCISE TAX ANG SUNUD-SUNOD NA BIGTIME OIL ROLLBACK – May panibagong big-time rollback na naman sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.


Sana ay samantalahin ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) upang isabay ang pansamantalang suspensyon sa oil excise tax, upang kahit papaano ay maibsan ang hirap ng mga transport worker at motorista sa gitna ng patuloy na krisis sa langis. Period!


XXX


MALABONG PANAGUTIN NG COMELEC SINA PBBM AT VP SARA SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE – Nagsampa ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code ang iba’t ibang militanteng grupo laban kina PBBMat Bise Presidente Sara Duterte dahil sa pagtanggap umano nila ng campaign funds mula sa dalawang kontraktor noong 2022 election.


Ayon sa mga nagsampa ng reklamo, dapat umanong papanagutin ang mga opisyal dahil sa naturang alegasyon. Ngunit iginiit din ng ilang grupo na dapat maging pare-pareho ang pagtingin ng Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng kahalintulad na kaso, anuman ang posisyon ng mga sangkot. Boom!


XXX


KAPAG NAGKATUGMA-TUGMA ANG STATEMENT NINA ZALDY CO, ORLY GUTEZA AT 18 EX-MARINES, LAGOT ANG MGA TUMANGGAP NG MALE-MALETANG PERA –Sakaling makabalik na sa bansa si dating Cong. Zaldy Co, ipapatawag umano siya kasama ang 18 ex-Marines at si retired Marines Sgt. Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ayon kay Sen. Ping Lacson.


Ayon sa mga ulat, tatalakayin sa imbestigasyon ang mga pahayag hinggil sa umano’y “maleta” o malaking halaga ng pera. Kung magtutugma ang kanilang mga testimonya, posibleng malagay sa alanganin ang mga sangkot na tinutukoy. Ngunit kung magkakasalungat naman ang kanilang mga salaysay, aasahan ang matinding batikos mula sa publiko at pagdududa sa kredibilidad ng kanilang mga pahayag. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page