top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Laban ni Alex, laban ng bawat Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 6, 2026



Fr. Robert Reyes


Inireklamo ng mga Escriba at Pariseo ang ugali ng mga alagad ni Kristo na tila malayo o kabaligtaran ng ugali ng mga alagad ni Juan Bautista at ng mga Pariseo. Bakit ang mga alagad ni Juan Bautista ay nagdarasal ng mahahabang dasal at nag-aayuno, samantalang ang mga alagad ni Hesus ay nagkakainan at nag-iinuman? (Luke 5:33-39)


Ito ang ebanghelyo noong nakaraang Biyernes. Naging hamon ang ebanghelyo para maigi nating tingnan ang ugali ng mga Pilipino. Isang kontrobersyal na konsepto sa antropolohiya ang “National Character” o ang pambansang karakter. Madalas na ipaliwanag ang ating pambansang karakter ayon sa tatlong katangian: pagkamapag-atubili at mainit na pagtanggap (hospitality); pagpapahalaga sa pamilya na karaniwang sentro ng buhay-Pilipino; paniniwala sa Diyos at pagiging masiyahin.


Marahil noong bandang dekada 50 hanggang 70 inilabas ang paliwanag na ito ng ating pambansang karakter. Oo, naaalala natin noong tayo’y batang musmos pa ang mga maraming karanasang nagpapakilala ng ating pambansang karakter. Matingkad na matingkad ito sa panahon ng kapaskuhan at ng iba’t ibang piyesta sa mga baryo, bayan, siyudad at lalawigan.


Bukas ang lahat ng mga bahay, partikular ang mga “comedor”  sa probinsya, sa lahat, kakilala man o hindi. Magluluto ang lahat ng mga pamilya upang magbahagi sa lahat ng nais kumain bilang pagbibigay-pugay sa patron sa araw ng pagkilala dito, ang araw ng piyesta mismo.


Kitang-kita at damang-dama ang pagiging sentro ng mga pamilya sa maraming paraan. Isa na dito ang pagpaskil ng larawan ng anak na nagtapos ng anumang kurso.


Malalaman at malalaman ng lahat na grumaduate ang anak ni Mister at Misis, etc., at makikita ang kanyang larawang nakatoga, nakasabit sa harapan ng bahay. Tuwing 1 ng Nobyembre, kitang-kita ang lahat ng ito sa mga sementeryo. Pipilitin ng mga pamilya na dalawin ang kani-kanilang yumaong kamag-anak sa mga sementeryo. Kantahan, kainan, kuwentuhan at dasalan para sa mga kaluluwa ng mga yumao. 


Buhay pa naman sa maraming bahagi ng bansa ang ganitong mga eksena na nagpapakita ng naturang pambansang karakter. Ngunit sa mga nagdaang panahon, lalo na sa nakaraang mahigit na apatnapung taon mula sa pagpapaalis sa Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., malaki ang nagbago.


Malaki ang nabawas sa matingkad na ugaling Pinoy sa naturang pambansang karakter. Tingnan na lang natin ang pagkakahiwa-hiwalay at pagkakahati-hati sa kulay ng mga mamamayan: ng mga pula, lutian, pink, dilaw, at ngayon, puti. At kung madadapuan ng away-kulay ang mga pamilya, madalas nauuwi ito sa pag-iwas at pananahimik sa isa’t isa. Laganap ang ganitong sitwasyon sa maraming pamilya dito sa ‘Pinas, maging sa labas. Naalala natin ang pakiusap ng isa sa aming mga pinsan sa aming “Family Group Chat.” “Pakiusap lang. ‘’Wag na po natin pag-usapan ang pulitika kung nais nating manatili ang kapayapaan.” Sumunod naman ang lahat, pati ako, ang pinakapanganay nilang pinsan.

                 

Sa mga nagdaang buwan, merong lumulutang na kulay na napapansin sa buong mundo. Hindi ito pula o berde; pink o dilaw, maging puti. May pangalan ang kulay na ito. May kasarian din. Sa puntong ito, siya na ang pinakakilalang Pinay sa buong mundo. Alex Eala ang kanyang pangalan. Nakikilala na siya dahil sa maraming panalo niya sa mga kilalang kumpetisyon sa tennis sa iba’t ibang bansa. Manalo man o matalo, napapansin hindi lang ang galing ni Alex kundi ang kanyang ugali, ang kanyang karakter.


Sa panayam kay Alex sa Washington, D.C. noong ika-29 ng Hulyo 2026 nang labanan niya si Zheng Qinwen ng China, tinanong si Alex ng media, “Anong pakiramdam ng isang nagiging popular sa buong mundo maging dito sa Washington, D.C.?” Sagot ni Alex: “Ang dapat pong itanong ngayon ay ano ang pakiramdam ng pagiging Pilipino ngayon?” Salamat, mga kababayan!!!”                  


Hindi sinagot ni Alex nang personal ang tanong. Pinalawak niya ang tanong para sakupin, yakapin, at bigyang-pansin at halaga ang lahat ng mga Pilipino saanman tayo naroroon. Dalawampu’t isang taon lang si Alex, ngunit nakatutuwang pakinggan at panoorin siya. Parang bumabalik at nanunumbalik ang larawan ng isang tunay na Pinay: simple, walang arte o yabang, makakapwa, makabansa, maka-Filipino at maka-Diyos.


Panalangin natin para kay Alex, “Sana’y maprotektahan si Alex ng biyaya ng Maykapal para hindi siya dapuan ng anumang maaaring lumason at pumatay sa kadalisayan ng pagmamahal niya para sa sariling bansa; mga kababayan at sa mahiwagang pagkilos ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan niya. Sana rin tuloy-tuloy niyang ibangon ang matagal-tagal nang napabayaan at nakalimutan ng marami”.


Karamihan sa mga kalaban ni Alex ay puti at kitang-kita ang pagkakaiba ng kanyang kulay sa iba. KAYUMANGGI si Alex. Mula sa loob hanggang labas, buhay na buhay ang kulay at LAHING KAYUMANGGI kay Alex.


Sana’y tingnan at namnamin natin ang ating napapansing kagandahan at kadakilaan hindi lang ng kulay kundi ng LAHING KAYUMANGGI na isinisigaw ng raketang humahampas sa bola pabalik sa kabila.


Batang-bata pa ngunit napakagaling na niya, ngunit hindi siya, hindi sarili lamang ang dala-dala niya kundi lahat-lahat ng kanyang mga kababayang bumubuo ng LAHING KAYUMANGGI!!!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page