Laban kontra-droga, dapat simulan sa institusyong pang-edukasyon
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 25, 2026

Kung tutuusin, mas masakit tanggapin kapag ang inaasahang gabay ng kabataan ang siya pang nadadawit sa ilegal na gawain, realidad na hindi lamang nakakagulat kundi sumisira rin sa tiwala ng publiko sa mga institusyong dapat ay sandigan ng moralidad.
Ang pagkakaaresto sa isang school principal dahil sa droga ay malinaw na paalala na walang sektor ang ligtas sa ganitong problema.
Bilang tugon, pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra ilegal na droga sa loob ng mga paaralan, hindi lamang nakatuon sa mga estudyante kundi pati sa mga guro at staff.
Ayon sa PNP, lubhang nakababahala ang pagkakasangkot ng isang opisyal ng paaralan sa bentahan ng droga, lalo’t sila ang inaasahang maghuhubog ng tamang asal at disiplina sa kabataan.
Matatandaang naaresto ang isang 45-anyos na District 1 School Supervisor at Principal III sa isang buy-bust operation na isinagawa ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Marso 20.
Sa operasyon, nakumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800, kasama ang marked money. Ang insidenteng ito ay nagbukas ng mas malalim na usapin hinggil sa integridad ng ilang nasa posisyon ng otoridad.
Dahil dito, makikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Education (DepEd) upang magpatupad ng mas mahigpit na preventive education programs para sa faculty members.
Layunin nitong hindi lamang parusahan ang mga lumalabag, kundi maiwasan ang pagpasok ng impluwensya ng droga sa loob mismo ng mga paaralan.
Naglabas din ng matinding babala ang PNP sa lahat ng kawani ng gobyerno na masasangkot sa ilegal na droga. Binigyang-diin na walang puwang ang ganitong gawain sa serbisyo publiko at tiniyak naman na magiging matibay ang kasong isasampa laban sa nahuling opisyal.
Ang insidenteng ito ay hindi lamang simpleng kaso ng paglabag sa batas. Isa itong dagok sa tiwala ng taumbayan, lalo na ng mga magulang at estudyante na umaasa sa ligtas at maayos na kapaligiran sa paaralan.
Kapag ang mga lider ng edukasyon na mismo ang nasasangkot, mas lalong nagiging komplikado ang laban kontra droga.
Ang pagpapaigting ng kampanya ay isang hakbang sa tamang direksyon, ngunit hindi sapat ang enforcement lamang. Kailangan ng mas malalim na pagsusuri sa sistema, mas matinding values formation, at mas malinaw na accountability sa loob ng mga institusyon.
Ang laban kontra-droga ay hindi lang operasyon, ito ay laban para sa tiwala, kinabukasan, at integridad ng susunod na henerasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments