top of page
BIDA - CUP OF JOE, IPINABOBOYKOT SA DAVAO, BABATUHIN NG DURIAN NG MGA DDS-FB Cup of Joe.jp

Kuwento ni Sadako at libong papel na tagak, dulot ay mensahe ng pangkapayapaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 18, 2026



Fr. Robert Reyes


Mahigit isang buwan na ang nakararaan nang magtipon-tipon sa simbahan ang ilang bata mula sa mga paaralan at pamayanan ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City.


Naganap ito kasunod ng pagsiklab ng tensiyon sa pagitan ng Iran at Israel, na lalo pang umugong dahil sa pagsuporta ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos sa Israel. Patuloy pa rin noon ang digmaan sa Gaza Strip sa ilalim ng pamumuno ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.


Hindi na natin tatalakayin pa rito ang mga kontrobersyal na usapin tungkol sa digmaan, kung sino ang tama o mali, at ang mga dahilan sa likod nito. Ang mahalaga ay ang malinaw na panawagan ni Papa Leone XIV: “Anumang digmaan ngayon ay mali.” Mali ito dahil hindi dapat ginagamit ang armas, karahasan, at kamatayan upang makamit ang anumang layunin. May iba at mas makataong paraan upang harapin ang mga suliranin ng mundo.


Kailangang-kailangan ngayon ng daigdig ang tunay na kapayapaan. Kapag tiningnan natin ang kalikasan, makikita ang tuloy-tuloy na karahasan, abuso, at inhustisyang ginagawa ng tao laban dito. Kaya mahalaga ang “Katarungang Pangkalikasan” na kaakibat ng “Kapayapaang Pangkalikasan,” na tinalakay nang malalim ni Papa Francisco sa kanyang aklat na “Laudato Si.” Gayundin, sa bawat digmaan ng mga bansa, hindi lamang kalikasan ang winawasak kundi pati buhay at dignidad ng kapwa tao. Sa huli, parehong nasisira ng tao ang kalikasan at ang kanyang kapwa.


Isang makapangyarihang simbolo ng kapayapaan ang iniwan ni Sadako Sasaki, isang 12-anyos na batang Haponesa na namatay noong Oktubre 25, 1955. Dalawang taong gulang lamang si Sadako nang bombahin ang Hiroshima noong Agosto 6, 1945.


Nakaligtas man siya sa mismong pagsabog, nagkaroon naman siya ng leukemia dahil sa matinding epekto ng radiation.


Habang nasa ospital, nakita ni Sadako ang mga papel na tagak na ginagawa at isinasabit ng mga bata at matatanda. Ipinaliwanag sa kanya ng kanyang ama ang paniniwalang Hapones na ang sinumang makagawa ng isang libong papel na tagak ay pagkakalooban ng katuparan ng kanyang mithiin. Dahil dito, nagsimulang gumawa si Sadako ng mga papel na tagak habang umaasang gagaling siya. Ngunit bago niya matapos ang isang libong tagak, siya ay namatay.


Hindi man natupad ang kanyang pangarap, naging inspirasyon naman siya sa maraming kabataan sa Japan. Nagtipon-tipon ang mga bata upang makalikom ng pondo para sa isang iskultura ni Sadako kasama ang simbolo ng isang libong papel na tagak. Hanggang ngayon, makikita ang kanyang estatwa sa Hiroshima Peace Memorial Park bilang paalala ng kahalagahan ng kapayapaan.


Maging sa aming parokya ay nabuhay ang kuwento ni Sadako. Isang batang lalaki ang nakarinig ng kanyang istorya sa aking homiliya noong unang araw ng Simbang Gabi noong Disyembre 2025. Dahil lagi siyang natatalo sa chess, nangarap siyang maging kampeon. Kalaunan ay nagtagumpay siya at naging kampeon nga. Bilang pasasalamat, niregaluhan niya ang parokya ng isang libong papel na tagak na siya mismo ang gumawa.


Dahil dito, hinikayat din namin ang mga bata ng parokya na gumawa ng kani-kanilang papel na tagak bilang pakikiisa sa panawagan ni Papa Leone XIV para sa kapayapaan. Sumulat kami kay Arsobispo Charles Brown, ang kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas, upang hilinging maipadala kay Papa Leone XIV ang mga papel na tagak.

Pumayag naman ang Nuncio at nangakong bibisita sa aming parokya noong Sabado, Mayo 16, 2026.


Buhay na buhay pa rin ang kuwento ni Sadako. At habang may mga taong patuloy na nananalig sa kapayapaan, mananatiling buhay ang kuwento ng Diyos ng Kapayapaan. Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page