top of page

Kuwaresma sa panahon ng korupsiyon at pagkamulat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 21, 2026



Fr. Robert Reyes


“Kung gagawa ka ng mabuti, gawin mo ito nang lihim. Huwag mong tularan ang mga mapagpanggap na tumatayo sa templo upang makita ng iba na sila’y nagdarasal, o nagpapakita ng anyong nag-aayuno upang hangaan. Kung magdarasal ka, pumasok ka sa iyong silid at isara ang pinto. Kung maglilimos ka, huwag mo itong ipagsabi.” (Mateo 6:1–6, 16–18)


Ito ang buod ng Ebanghelyo noong nakaraang Miyerkules ng Abo—ang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma, apatnapu’t araw ng paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon.


Gawin ang mabuti nang lihim. Mahirap ba ito?


Noong nagdaang taon, tila nag-iba ang ihip ng hangin nang sunud-sunod na ilantad ng ilang mamamayan ang kanilang marangyang pamumuhay. Nagsimula ito sa mag-asawang kontraktor na nagbigay ng panayam sa mga kilalang komentarista sa telebisyon. Ipinakita nila ang dambuhalang garahe na puno ng mamahaling “luxury cars.” Nang tanungin kung saan nagmula ang kanilang kayamanan, tahasan nilang sinabi: mula sa pagiging kontraktor ng mga proyektong ipinagkaloob sa kanila ng DPWH.

Kasunod nito, nagsulputan sa social media ang mga content ng tinaguriang “nepo babies” na ipinapakita ang kanilang mamahaling “signature bags,” ang pagkain sa mga eksklusibong restawran na umaabot sa daan-daang libo ang bayarin, at maging ang kuwintas na umano’y nagkakahalaga ng isang milyong dolyar na iniregalo sa asawa ng isang kilalang senador.


Ipinagmamalaki pa ang lahat ng ito, sa kabila ng mga tanong hinggil sa pinagmulan ng kanilang yaman. Ang lantad na pagyayabang na ito ang lalong nagpagalit sa taumbayan at naging mitsa ng muling pagdagsa ng mga nagpoprotesta sa lansangan.

Sa kanyang State of the Nation Address noong ika-28 ng Hulyo 2025, tahasang sinabi ng Pangulo:


“Huwag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkaka-racket sa mga proyekto—mga kickback, initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!”


Mula Setyembre 21 hanggang Nobyembre 30, sunod-sunod ang malalaking rali. Iisa ang sigaw: “Ikulong ang mga kurakot!” Sa mga paaralan at lansangan, maririnig ang galit ng mamamayang unti-unting namumulat sa lalim ng korupsiyong sumisira sa bayan.


Ngunit kabaligtaran ito ng diwa ng Ebanghelyo ng Miyerkules ng Abo. Ang lahat ay nagsimula sa walang kahihiyang pagyayabang ng yaman at kapangyarihan. Sumiklab ang galit. Nangako ang Pangulo na may mananagot. Subalit lalo pang nadagdagan ang dalamhati sa sunod-sunod na trahedya sa Cebu—lindol, baha, at pagguho ng bundok ng basura na kumitil ng maraming buhay.


Hanggang ngayon, maingay pa rin ang paligid. Bagama’t may ilang nakulong, marami pa rin ang hindi napapanagot. Mabagal ang takbo ng hustisya. Sa gitna ng sigaw laban sa korupsiyon, nagsunod-sunod din ang paghahain ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente. Dagdag ingay pa ang kanyang pahayag na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028.


Lantarang pagnanakaw, pamumulitika, pagyayabang. Maingay. Mapagmataas. Walang konsensiya.


Samantala, unti-unting nabubuo ang moral na “Tayo ang People Power” sa Our Lady of Peace, EDSA Shrine. Tahimik na lumilikha ang ilang pintor ng larawan ng espiritu ng pagbabago sa nagdaang apatnapung taon. Makikita roon ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—mga bayani at salarin, mabuti at masama.


Sa pinakadulo ng moral, naroon ang larawan ng isang babae: ang kanyang damit ay hugis ng kabundukan at kagubatan ng Sierra Madre, ang kanyang bisig ay nababalutan ng luntiang dahon, ang buhok ay hinahaplos ng hangin—tila pahingahan ng Haribon.


Ilang araw na nating pinagmamasdan ang unti-unting pagbuo ng mural. Sa katahimikan, may panalangin. May pag-asa. May paniniwalang may pagbabagong darating.


Hindi sa ingay. Hindi sa yabang. Hindi sa rangya at karahasan.

Kundi sa lihim. Sa tahimik. Sa totoo at malinis.


Doon Siya kumikilos—tahimik, malalim, at tiyak—sa mga pusong kumikilala at umaasa sa Kanya.


Walang iba. Higit sa lahat, Siya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page