Kusang pagsuko, paraan para mapababa ang parusa
- BULGAR

- May 1
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 30, 2026

Dear Chief Acosta,
Sa kasamaang palad ay napasama ako sa isang rambulan dito sa aming barangay. May mga nasaktan sa nasabing insidente. Dahil binabagabag ako ng aking konsensya, gusto ko po sanang sumuko sa aming kapitan. Kung sakaling makasuhan ako, makakatulong ba ang boluntaryo kong pagsuko para sa posibleng maging sentensiya ko? — Edong
Dear Edong,
Ayon sa Article 13 (7) ng Kodigo Penal ng Pilipinas, ang boluntaryong pagsuko ng isang nakagawa ng krimen ay maaaring makatulong para mapababa ang kaniyang sentensiya. Narito ang pahayag ng batas:
“ART. 13. Mitigating circumstances.—The following are mitigating circumstances:
(7)That the offender had voluntarily surrendered himself to a person in authority or his agents, or that he had voluntarily confessed his guilt before the court prior to the presentation of the evidence for the prosecution.”
Upang maunawaan ito, kailangang alamin muna natin ang ibig sabihin ng “mitigating” na sirkumstansya. Ito ay mga sirkumstansya o pangyayari na maaaring makatulong para mapababa ang sentensya ng isang tao. Bagama’t hindi lubos na mapapawalang-sala ang isang tao, maaaring makatulong ang mga sirkumstansiyang ito para mapababa ang sentensiya o parusa.
Kasama sa mga mitigating circumstances ay ang boluntaryong pagsuko sa mga otoridad. Para ito ay matanggap bilang mitigating circumstance, kailangang ang mga sumusunod na elemento ay matagpuan: (1) hindi pa naaaresto ang nasabing tao; (2) ang akusado ay isinuko ang kaniyang sarili sa mga otoridad o sa katulong ng mga nasabing awtoridad; at (3) kailangang ang pagsuko ay boluntaryo. Narito ang eksaktong pahayag ng Korte Suprema sa kaso ng People of the Philippines vs. Jomar Doca, G.R. No. 233479, 16 October 2019, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Amy C. Lazaro-Javier:
“Voluntary surrender requires the following: (1) the accused has not been actually arrested; (2) the accused surrenders himself to a person in authority or the latter's agent; and (3) the surrender is voluntary. The essence of voluntary surrender is spontaneity and the intent of the accused to give himself up and submit himself to the authorities, either because he acknowledges his guilt or he wishes to save the authorities the trouble and expense that may be incurred for his search and capture.”
Tungkol naman sa tanong kung sapat ba ang pagsuko sa isang kapitan ng barangay, kinilala rin ng Korte Suprema na ang barangay captain ay isang person in authority. Kaya’t ang boluntaryong pagsuko sa kanya ay maaaring pumasok sa boluntaryong pagsuko na itinuturing na isang sirkumstansya na maaaring magpababa ng parusa ng isang tao.
Sa iyong sitwasyon, kung ikaw ay hindi pa naaaresto at ikaw ay boluntaryong sumuko sa kapitan ng iyong barangay ay maaari itong maituring na sirkumstansya para mapababa ang maaaring maging parusa o sentensiya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments