top of page

Kuryenteng abot-kaya, posible sa nuclear energy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 44 minutes ago
  • 3 min read

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | May 8, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Talaga namang mapapaigtad ka sa gulat sa laki ng kailangang bayaran sa Meralco ngayong buwan lalo na't panahon ng tag-init, sa gitna pa ng krisis sa enerhiya bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan. 


Bukod pa r’yan, alam nating isa naman talaga ang Pilipinas sa may pinakamahal na bayarin para sa serbisyo ng elektrisidad, na nangungunyapit sa patuloy nating pagsandal sa imported na langis, coal at gas—kaya naman kapag sumipa ang presyo sa global market, damay agad ang bulsa ng bawat Pilipino. 


Ngayong tayo ay nasa State of National Energy Emergency, napapanahon na para pakalimiin ang maiaalok na benepisyo ng ibang energy sources kasama na ang enerhiyang nukleyar o nuclear energy sa ating bansa, at ito ay matagal na nating sinusuportahan bilang isang Pilipinong ayaw nang magbayad ng mahal para sa serbisyo ng elektrisidad.


Nauna sana tayo noon sa Asya na gumamit nito, ngunit hindi man lamang nabigyan ng pagkakataon ang Bataan Nuclear Power Plant na tayo ay pagsilbihan. Hindi rin inaral nang husto ang naging pagdedesisyon noon ukol dito at hinayaan na lamang itong matulog nang dekada nang wala man lamang ginawang pananaliksik. 


Sa simpleng paliwanag, ang nuclear energy ay kuryenteng nagmumula sa hati ng atom na tinatawag na fission, na lumilikha ng init para paandarin ang turbine at makagawa ng elektrisidad. Ito ay ginagamit na sa maraming bansa, kasama na 'yung mga namamalas nating mga lugar na naggagandahan at nagliliwanag sa gabi. 

Ano ang mga katangian ng enerhiyang ito?


Una, ito ay malinis. Hindi tulad ng coal at langis, ang nuclear power ay halos walang carbon emissions habang tumatakbo—kaya malaking tulong sa laban kontra climate change. 


Ikalawa, ito ay stable. Hindi ito nakadepende lamang sa sikat ng araw o buga ng hangin. Tuluy-tuloy ang produksyon nito—24/7—kaya naaangkop bilang baseload energy.

Ikatlo, mas ligtas kaysa iniisip ng marami. Isa ito sa may pinakamababang death rate per unit of energy kumpara sa fossil fuels. Ang mas malalaking panganib sa kalusugan ay galing pa rin sa polusyon ng coal at oil.


Sa una, mahal ang pagtatayo ng plantang nukleyar—ngunit dahil mas matagal ang buhay at operasyon nito na hanggang 60 at higit pang taon, kalaunan ay magmumura ang singilin sa kuryente.


Sa ngayon, seryoso naman ang gobyerno—target nitong magkaroon ng nuclear power sa ating energy mix pagsapit ng 2032, na posibleng umabot sa 4,800 MW pagsapit ng 2050. Nagsisimula na rin ang proseso ng licensing ngayong 2026, habang pinaplano ang mga posibleng pagtatayuan nito. Pero maiba kaya uli ito nang gan'un lamang kabilis sa nalalapit na pagpapalit ng administrasyon?


Sa dulo ng landas, hindi ito simpleng usapin ng teknolohiya—ito ay usapin ng direksyon.

Magpapatuloy ba tayo sa sistemang paulit-ulit tayong pinapahirapan tuwing may krisis sa langis? O bubuksan natin ang pinto sa mas matatag, mas malinis, moderno at mas pangmatagalang solusyon?


Aba'y hindi sagot ang takot kung ang kapalit naman ay patuloy na pagdurusa.

Kung gusto nating bumaba ang singil sa kuryente, panahon na para tanungin: handa na ba tayong mag-isip nang mas malaki—at mas matapang?


Sa larangan ng enerhiya, magising na tayong hindi lang ilaw natin sa bahay ang nakataya, kundi ang dignidad at kalidad ng buhay natin. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page