Kung umaksyon lang noon si ex-Ombudsman Martires, noon pa nakulong sina Co, Gardiola at Yap
- BULGAR

- Dec 12, 2025
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 12, 2025

SANA NOON PA NAKULONG SINA PARTYLIST REPS. ZALDY CO, EDWIN GARDIOLA AT ERIC YAP – Sinabi ni Task Force Kasanag convenor John Chiong na walang ibang dapat sisihin sa paglala ng korupsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi si dating Ombudsman Samuel Martires. Ayon kay Chiong, noong Hunyo 2022 ay hiniling nila kay Ombudsman Martires na imbestigahan sina Ako Bicol partylist Rep. Elizaldy Co, CWS partylist Rep. Edwin Gardiola, noo’y ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap, at ilang DPWH officials dahil sa umano’y anomalya sa proyekto nilang P50 bilyong landslide slope protection system sa Cordillera Administrative Region (CAR), na sinimulan pa noong 2018.
Ngunit, ayon kay Chiong, wala raw ginawang aksyon ang Office of the Ombudsman. Ani niya, kung inaksyunan lang noon ng Ombudsman ang reklamo ng Task Force Kasanag, at kung noon pa nakasuhan sina Rep. Zaldy Co, Edwin Gardiola, at Eric Yap, sana noon pa nakulong ang tatlong kongresistang ito at hindi sana lumaganap sa buong bansa ang scam sa flood control projects, period!
XXX
FICTITIOUS ANG 'TINDIG KALIKASAN' NA GUMAGAWA RAW NG MGA FAKE NEWS AT NANINIRA KINA GOV. FERNANDO AT VG CASTRO KASI ANG GRUPONG ITO, WALANG NAGPAPAKILALANG MGA CONVENOR – Ang Task Force Kasanag ay may mga convenors, kabilang si John Chiong. Ngunit ang grupong naninira raw kina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro na “Tindig Kalikasan” ay walang malinaw na ipinakilalang mga convenor, na nagpapahiwatig na walang opisyal na miyembro ang organisasyong ito.
Wala umanong nagpapakilalang mga convenor ang “Tindig Kalikasan,” at ang tanging ginagawa raw nila ay paulit-ulit na mag-post sa social media ng mga paninira laban kina Gov. Fernando at VG Castro. Alam nilang fake news ang kanilang mga atake at alam din nilang kapag nagpakilala o nakilala sila, maaari silang kasuhan sa ilalim ng cybercrime laws.
Kabilang sa mga fake news na ibinabato ng fictitious group na ito ang pagpapasangkot kina Gov. Fernando at VG Castro sa flood control scandal, gayung malinaw naman sa isinagawang imbestigasyon ng Senado, Kamara, Department of Justice (DOJ), at Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ang mga opisyal na sangkot ay mula sa national government, tulad ng mga senador, kongresista, at DPWH. Isa pang paninira ay ang pahayag na umano’y walang bidding sa Bulacan Flood Control and River Restoration Program at basta na lang ibinigay ang proyekto sa TCSC Corporation. Sa katotohanan, wala ngang bidding na naganap dahil wala ring inilabas na pondo ang Bulacan local government, sapagkat ito ay isang PPP o Public-Private Partnership.
Kaya malinaw na ang nasa likod ng fictitious group na “Tindig Kalikasan” ay mga kalaban sa pulitika nina Gov. Fernando at VG Castro. Halos katatapos lang ng nakaraang eleksyon, at bagamat malayo pa ang May 2028 election, masigasig na silang naninira, period!
XXX
KANSELADO NA ANG PASAPORTE NI ZALDY CO KAYA MALAPIT NA SIYANG BITBITIN NG INTERPOL PABALIK NG ‘PINAS – Mismong ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ang nag-anunsiyo na kanselado na ang pasaporte ni Zaldy Co.
Dahil d’yan, asahan nang isa sa mga darating na araw, bibitbitin na ng Interpol si Zaldy Co pabalik ng ‘Pinas, abangan!
XXX
LAGANAP NA NAMAN SA SOCIAL MEDIA ANG MGA ILLEGAL ONLINE SABONG – Ipinagbabawal na sa bansa ang mga illegal online gambling, pero sa social media ay laganap na naman ang mga illegal online sabong.
Dapat aksyunan agad ito ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) para makilala at makasuhan ang mga nagpapalaganap na naman ng online sabong sa social media, boom!



Comments