Kung kelan daw pandemic… IVANA, BINATUKAN NG INA DAHIL SA BINILING P11.5 M LAMBORGHINI
- BULGAR
- Apr 20, 2021
- 4 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | April 20, 2021

Abut-abot ang sermon na natanggap ni Ivana Alawi mula sa inang si Mommy Fatima at sa bunsong kapatid nitong si Mona nang ipakita niya ang bagong biling dream car niyang red Lamborghini na nagkakahalaga ng P11.5 M, na idineliber sa bahay nila nitong Linggo nang umaga.
Ang saya-saya pa naman ng bungad ni Ivana sa kanyang vlog na ipinost niya sa kanyang YouTube channel.
“Ano kaya ang magiging reaksiyon niya kapag nakita niyang naka-park na at binayaran ko na?” nakangiting sabi nito.
Una muna itong nakita ng kapatid niyang lalaki na si Hashim at pinaandar niya ito kaya nagulat dahil sa lakas ng ugong nito.
Tinawag ni Ivana si Mona na noo’y kumakain ng agahan at hawak-hawak pa ang hotdog palabas ng pinto.
Tanong kaagad ng bagets, “What’s that? Lambo?”
Sabi naman ng Kuya Hash niya, “Mura lang kuha niya.”
Hindi naniwala ang bunsong kapatid, “May mura bang ganyan?”
Tanong ni Ivana, “Bakit parang hindi siya (Mona) masaya?”
Sumakay naman ang bagets at nagulat dahil lumubog siya. Sumakay din ang Ate Ivana niya at tinanong ito ni Mona kung magkano ang bili sa sasakyan, na inamin naman ng vlogger-actress.
Tanong ulit ni Mona sa ate niya, “Totoo? Seryoso ka ba rito? Ang laking decision ito, sure ka?”
“Girl, nandito na, nabayaran ko na!” sagot ng aktres.
Giit ni Mona, “Kasi bakit hindi mo kami sinabihan? Ang dami mong puwedeng gawin sa P11.5 milyon kesa sa kotse.”
"Girl, marami tayong mapupuntahan dito sa P11.5 milyon!” sabi naman ni Ivana.
“Marami rin naman tayong napupuntahan doon sa van? Isipin mo ‘yung mga puwede mong tulungan? Saka, investment sa ganu’ng pera?" pangungunsensiya pa ni Mona.
“Grabe siya, akala ko, matutuwa siya (Mona)?” malungkot na sabi ni Ivana.
“I mean maganda, but I don’t think it’s smart decision ngayon,” paliwanag ng bunsong kapatid.
“So, you’re saying I’m bobo in my decision?” tanong ni Ivana.
“Oh no! I did not say that! Just saying I don’t think it’s smart to spend P11.5 million right now,” paliwanag kaagad ni Mona.
Dagdag pa nito, “I’m happy because dream car natin mga ganito, 'di ba? But I don’t think it’s the right time to buy something like this, hindi nga tayo puwedeng lumabas, paano ‘yan, para sa garahe lang.”
Hanggang sa sinabi ni Ivana na prank lang ito at pag-aari ito ng kapitbahay nila na naki-park lang.
Ang kagigising lang na nanay nila ang sumunod na nakakita ng sasakyan na sinundo pa ni Mona sa kuwarto at naghihilamos pa.
Nang makita ng ina ay sinabi kaagad nina Mona at Ivana, "Ang ganda, ‘no?”
Sumimangot ang nanay nila habang nakatingin sa sasakyan.
“Talagang kailangan, pandemic ka bibili?” tanong nito sa anak.
Pagmamalaki ni Ivana, “Ma, Lamborghini.”
“Alam kong Lamborghini ‘yan, o di mahal ‘yan?” sabi ng mama niya.
“Ma, nabili ko nang sale. Sabi mo kasi, 'pag sale, bilhin ko na. Nakuha ko lang ng P11.5 milyon,” masayang sabi ng dalaga.
“Tinawag mo ako para d’yan?” buwisit na tanong ng ina. “Sana naman (saka na lang). Pandemic ngayon, ang daming nangangailangan ng tulong. Takaw-mata ‘yan sa tao, Diyos ko, madedelikado ka pa n’yan. Alam mo, ang daming taong matutulungan, oh (habang tinitingnan ang sasakyan).”
“Puwede pa naman akong tumulong kahit may Lamborghini. Sakay ka, Ma, baka sakaling mabago (isip mo)," sabi ni Ivana.
Tumanggi ang ina, “Hindi ako materyosong tao. Puwede namang bumili ng ibang (kotse), huwag naman ganyan. Saka ang taas ng maintenance n’yan. Tapos, pandemic? Hindi mo ba naintindihan ang pandemic?”
Hanggang sa ipinasosoli ng mama ni Ivana ang sasakyan at sinabi nitong hindi na puwede dahil bayad na.
“Puwede mo pang isoli ‘yan, tawagan n’yo muna,” pilit ng ina.
May tinawagan si Ivana at naka-speaker phone kaya naririnig ng mama niya at ipinakausap pa sa ina na isosoli ang nasabing sasakyan, pero hindi na raw puwede.
Pero kung isosoli talaga ay 50% lang ang maibabalik, na ikinagulat ng nanay nito dahil mahigit P5 milyon ang mawawala.
“Ano? Bakit ganu’n? 50%?” sabi ng mama ni Ivana habang kausap ang nasa kabilang linya.
“Ma, ‘wag mo pagalitan, ako na nga ang nakikiusap," sabi ng dalaga.
“Saan ka nakakita ng 50%? Baka ipa-Tulfo ko siya?” sagot ng ina.
Sabi pa, “Hindi naman tamang limang milyon ang babawasin? Ilang tao na ‘yung matutulungan mo nu’n? Mariam (tunay na pangalan ni Ivana), next time, hindi ka dapat nag-i-invest ng material na bagay.”
“Sa'n ako dapat mag-invest?” tanong ni Ivana.
“Sa pag-explore ng mga lugar-lugar, sa pagtulong sa mga tao. ‘Wag naman ganyan, masyadong flashy, masyadong show-off. Hindi advisable ang mga Lamborghini na ‘yan. Sa trapik na ‘yan, maida-drive mo 'yan?” pangangatwiran ng nanay nila.
At dahil malaki nga ang mababawas kapag ibinalik, pumayag na rin ang mama nina Ivana.
Niyaya ni Ivana ang ina na sumakay at ipagda-drive niya.
“Hindi na, kayo na lang, mag-drive ka sa EDSA. Mag-race ka, tingnan mo kung makaka-race ka sa EDSA,” sabi pa ng ina.
At dahil hindi pa rin matahimik ang mama ng magkakapatid na Alawi, inamin na nilang prank ito pero hindi naniwala ang ina dahil nga nakausap pa niya ang taong inakalang taga-opisina ng Lamborghini.
Sa asar ng ina, pinagbabatukan sila.
Pero sabi ni Ivana, “Ma, bibili lang ako ng Lamborghini kapag lahat kayo, may bahay na, promise!”




Comments