top of page
RUN WILD - BARBIE, NAPABILIB SI ALDEN SA PAGIGING WILD-IG _barbaraforteza.jpg

Kung ano ang bunga, siyang puno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 6
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 6, 2026



Fr. Robert Reyes


Kaugnay ng mga nakadidismayang kaganapan sa Senado nitong mga nakaraang linggo, pinagnilayan natin noong nakaraang Huwebes ang Mateo 7:15-20. Ganito ang nilalaman nito:


“15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta. Lumalapit sila sa inyo na nagdaramit-tupa, ngunit sa loob ay mababangis na lobo. 16 Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Ang mga tao ba ay makakapitas ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan? 17 Gayundin, ang bawat mabuting punong-kahoy ay nagbubunga ng mabuti, ngunit ang masamang punong-kahoy ay nagbubunga ng masama. 18 Ang mabuting punong-kahoy ay hindi makapagbubunga ng masama, ni ang masamang punong-kahoy ay makapagbubunga ng mabuti. 19 Ang bawat punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. 20 Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.”


Akmang-akma ang pagbasa sa pinag-isang panawagan ng mga paring Ebangheliko at Katoliko, kasama ang mga Isaac sa pamumuno ni Dr. Melba Maggay. Nakalulungkot ang larawan ng pamumuno na ipinakikita ng ilang senador. Hindi na natin babanggitin ang kanilang mga pangalan o kung sila man ay kabilang sa mayorya o minorya.


Napakadaling palabnawin, pababawin at balewalain ang nagdudumilat na pagkukunwari at lantarang panlilinlang ng ilan sa kanila. “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta.” Tumpak. Sinu-sino ang mga huwad, peke, plastik at “trying hard” na artista? Akala mo kung sinong mababait dahil sa masaganang pag-agos ng mga luhang tila pinilit at piniga. At kung magsalita ang kanilang lider, akala mo’y tagapagtanggol ng katuwiran, katotohanan at katarungan.


Paano niya pinalalabas na kapani-paniwala at mapagkakatiwalaan ang kanyang mga sinasabi at ginagawa? Kay dalas lumabas ang salitang “Diyos” sa kanyang dila. Akala mo’y pastor na kinabisa ang buong Banal na Kasulatan. Ngunit sa sobrang pagbanggit, nagiging gasgas ang mga salitang hindi naman nasasalamin sa gawa. Kay layo ng asal at kilos sa ipinahahayag na wagas na pananampalataya. Maaari bang itigil na ninyo iyan? Nakasasama ng loob at nakapanggagalit ang malinaw na paggamit sa Salita ng Diyos bilang palabas at pantabing sa mga gawaing hindi na maitago.


“Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.” Mula nang mabuo ang mala-Hudas na labintatlo, sunod-sunod na ang pagbagsak ng mga bungang bulok, inuod at inamag.


Hindi na magogoyo ang nagsawang karaniwang mamamayan. Tama na ang mga kuwentong pilit ipaniwala ngunit kapos sa katotohanan. Tulad ng paglusob na tila isinulat ng isang mahinang scriptwriter—may putukan ngunit hindi sa tao kundi sa bubong. Bobong paglusob ba, bobong sikyo, o bobong scriptwriter?

“Rolling! Iyak! Todo iyak!”


Sunod naman ang isang babaeng hindi makilalang iyakin na kinalamay ng isa pang babaeng kilala sa bagong hanapbuhay sa tubig na umano’y tulad ng kanyang luha—wala ni isang patak. Kay lungkot ng kanilang mga mukha mula umaga hanggang hapon. Ngunit tila may kung ano’ng biglang nagpawi sa kanilang dalamhati, lalo na nang maramdamang wala man lamang ni isang nagkumusta.


At ano naman ang itatawag mo sa naghasik ng lagim ng EJK mula pa noong alkalde sa Davao hanggang maging pangulo? Bully? Mamamatay-tao? Berdugo? O baka mas bagay ang bansag na “kalbong mananakbong takot sa sarili niyang anino”?


Puwesto, poder, kapangyarihan at salapi ang kanyang mga sandalan noon. Ngunit unti-unti nang nawawala ang tatlong agimat na kanyang pinanghawakan. Kaya ano ang natitira? Kumilos sa dilim, magtago at huwag magpapansin? O magsuot ng peluka tulad ng isa sa kanyang mga kasama?


Isa-isa nang nalalagas ang kanilang hanay. Ngunit bago iyon, inilabas muna ang panukalang maaari pa ring bumoto kahit wala sa Senado. Pagkaraan nito ay tila may utos ng direktor: “Simulan na at bilisan ang aksyon!”


Pagharipas ng dating matikas, sumunod naman ang pag-aresto sa senador na ngayo’y labas-pasok sa kulungan. Kaya pa bang tumbasan ni Kongresman Manhik-Manaog ang ganitong eksena?


Biglang nabaligtad ang bilang. Mula labintatlo ay naging labing-isa. Change court muli. Minorya ang mayorya. Mayorya ang minorya. Walang ibang magawa kundi mag-boycott, mang-asar at magkunwaring walang nakatingin. Ngunit may mga nanonood—mga nag-iisip, nagdarasal, nagmumuni-muni at handang kumilos.


At nang sabihin ng bagong pinuno na walang pasok, siya namang pagpasok ng ilan upang isalang ang “labing-walo,” habang basa pa ang papel sa isang kuwentong kahina-hinala kung hindi man katawa-tawa. Hindi rin nagkulang sa pilit na pagpapatawa at pagtuturo kung sinu-sino raw ang dinalhan ng maletang hitik sa nakaw.

Heto na naman ang mga ATH—mga Artistang Trying Hard.


Abangan pa ang pagkakalat ng mga walang kuwentang bunga mula sa punong dati nang hindi namumunga at ngayo’y pilit pinamumunga ng kahina-hinalang pataba.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page