Kung 3 Gabinete ni PBBM nagsipag-resign, si Sec. Laurel, kapit pa rin!
- BULGAR
- Mar 8
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 8, 2025

SABLAY TALAGA ANG PAGTALAGA NI PBBM KAY SEC. LAUREL DAHIL IMBES SOLUSYUNAN ANG PROBLEMA SA AGRIKULTURA, ANG INATUPAG AY SISIHIN ANG DUTERTE ADMIN -- Sinisi ni Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) ang nakaraang Duterte administration sa malaking problema ng bansa sa kakapusan ng ani ng palay kung kaya’t hindi raw makontrol ng Marcos administration ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Ang statement na iyan ni Sec. Laurel ang pagpapatunay na sablay ang pagtalaga sa kanya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa DA dahil imbes hanapan ng solusyon ang problema sa ani ng palay at sa mataas na presyo ng bigas, eh ang inaatupag ay sisihin ang nakaraang Duterte admin., pwe!
XXX
3 GABINETE NA NI PBBM NAG-RESIGN, KAYA DAPAT MAG-RESIGN NA RIN SI SEC. LAUREL KUNG HINDI KAYANG SOLUSYUNAN ANG PROBLEMA SA AGRIKULTURA -- Tatlong miyembro ng Gabinete ni PBBM ang sunud-sunod na nagsipag-resign sa kanilang mga posisyon, at sila ay sina former Sec. Jaime Bautista ng Dept. of Transportation (DOTr), former Sec. Cesar Chavez ng Presidential Communication Office (PCO) at former Sec. Ivan John Uy ng Dept. of Information ang Communication Technology (DICT).
Sa gobyerno, karaniwang idinadahilan ng mga nagbibitiw sa mga posisyon ay problema sa kalusugan, pero ang tunay na maaaring dahilan kaya may nagri-resign ay dahil hindi na nila kayang lutasin ang mga problemang nakaatang sa mga kagawarang kanilang pinamumunuan.
Ang nais nating ipunto rito, kung hindi na kaya ni Sec. Laurel ang mga problema sa DA, isa lang ang dapat niyang gawin, at ito ay mag-resign na rin sa kanyang tungkulin, period!
XXX
AKMANG-AKMA KAY SP CHIZ ANG KASABIHANG ‘KUNG GUSTO MAY PARAAN, KUNG AYAW MARAMING DAHILAN’ -- Ang impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay nakasalalay talaga sa mga kamay ni Senate President Chiz Escudero, na ‘ika nga kahit naka-recess ang Senado, kung gugustuhin niyang magtatag na ng impeachment court para malitis na ang bise presidente ay puwede naman itong mangyari, kaya lang nanindigan na ang Senate president na sa July 2025 pa nila didinggin ang mga nakasampang impeachment complaints laban kay VP Sara.
Kaya nga ‘yung kasabihang, “kung gusto ay may paraan at kung ayaw maraming dahilan,” akmang-akma ‘yan sa ikinikilos ni SP Chiz patungkol sa impeachment kay VP Sara, boom!
XXX
‘PINAS HINDI NA YATA MAKAKAHULAGPOS SA UTANG SA MGA FINANCIAL INSTITUTIONS SA MUNDO -- Mula sa naitalang P16.09 trillion utang panlabas ng Pilipinas noong Jan. 2025, ngayong March 2025 ay pumalo na sa P16.31 trillion ang utang ng ‘Pinas mula sa iba’t ibang financial institution sa mundo.
Hindi nababawasan, at sa halip ay patuloy pang lumalaki ang utang ng bansa, at patunay ang isyung iyan na hindi na makakahulagpos sa utang ang ‘Pinas, saklap!
Comentários