Kulang sa boundary at pinatigil pumasada
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 5, 2026

Dear Chief Acosta,
Isa akong drayber ng jeepney sa ilalim ng boundary system. Isang araw po ay kinulang ang naibigay kong boundary dahil kakaunti ang mga pasahero. Dahil dito, hindi ako pinayagang pumasada ng operator hangga’t hindi ko nababayaran ang kakulangan. Sinabi rin niya na hindi niya ako empleyado dahil umuupa lamang ako ng kanyang jeepney. Tama po ba ito? Maituturing po bang ilegal na pagtanggal ang hindi niya pagpapahintulot sa akin na pumasada? — Lexie Boy
Dear Lexie Boy,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga desisyon ng Korte Suprema. Sa kasong Caong, Jr. vs. Regualos (G.R. No. 179428, ika-26 ng Enero 2011, isinulat ni Kgg. na Kasamang Mahistrado Antonio Eduardo B. Nachura), sinabi ng Korte Suprema na:
“It is already settled that the relationship between jeepney owners/operators and jeepney drivers under the boundary system is that of employer-employee and not of lessor-lessee. The fact that the drivers do not receive fixed wages but only get the amount in excess of the so-called ‘boundary’ that they pay to the owner/operator is not sufficient to negate the relationship between them as employer and employee.”
Samakatuwid, hindi tama ang pahayag na umuupa lamang ang isang drayber ng jeepney. Sa ilalim ng boundary system, may relasyong employer-employee sa pagitan ng operator at drayber nito. Gayunman, hindi lahat ng pagbabawal na pumasada ay agad na maituturing na pagtanggal sa trabaho. Ipinaliwanag ng Korte Suprema sa parehong kaso:
“Indeed, petitioners’ suspension cannot be categorized as dismissal, considering that there was no intent on the part of respondent to sever the employer-employee relationship between him and petitioners. In fact, it was made clear that petitioners could put an end to the suspension if they only pay their recent arrears.”
Kung pansamantala lamang ang pagbabawal at maaari pa ring bumalik ang isang drayber matapos bayaran ang napatunayang mga atraso (arrears), maaari itong ituring na suspensyon at hindi pagkakatanggal. Dagdag pa ng Korte Suprema:
“It would have been different if petitioners complied with the condition and respondent still refused to readmit them to work. Then there would have been a clear act of dismissal.”
Kung nabayaran na ng drayber ang kakulangan sa boundary, ngunit ayaw pa rin siyang pabalikin sa pamamasada, maaari nang magkaroon ng malinaw na pagtanggal sa trabaho. Kinilala rin ng Korte Suprema ang karapatan ng operator na magpatupad ng makatuwirang patakaran tungkol sa pagbabayad ng boundary:
“Respondent’s policy of suspending drivers who fail to remit the full amount of the boundary was fair and reasonable under the circumstances.”
Gayunman, dapat pa ring maging patas at makatuwiran ang pagpapatupad ng patakaran, at dapat isaalang-alang ang dahilan kung bakit hindi nakapagbigay ng buong boundary ang drayber. Ayon pa sa Korte Suprema, hindi dapat awtomatikong parusahan ang isang drayber nang hindi muna sinusuri ang mga pangyayari at binibigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag, viz:
“A company policy must be implemented in such manner as will accord social justice and compassion to the employee. In case of noncompliance with the company policy, the employer must consider the surrounding circumstances and the reasons why the employee failed to comply.”
Samakatuwid, maaari kang pansamantalang pagbawalang pumasada hangga’t hindi pa nababayaran ang isang napatunayang kakulangan sa boundary, kung ang patakaran ay patas at makatuwiran. Subalit, kung wala namang sapat na patunay ng mga atraso, o nabayaran mo na ito, ngunit ayaw ka pa ring pabalikin, maaaring maituring itong pagtanggal sa trabaho.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments