top of page

Kudeta vs. Tito Sen hindi fake news, kaya lang, kulang pa sa numero ang tropa ni Sen. Cayetano

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 4, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOTOO ANG KUDETA VS. TITO SEN, KULANG PA LANG SA NUMERO ANG TROPA NI SEN. ALAN CAYETANO – Nang tanungin ng mga mamamahayag si Senate Minority Leader Sen. Alan Cayetano tungkol sa kumakalat na isyu sa social media na may planong “kudeta” o pagpapatalsik kay Senate President Tito Sotto, tumugon siya ng “not today,” dahil kapos pa umano sila sa bilang at wala pang sapat na 13 boto upang mapalitan ang liderato ng Senado.


Batay sa pahayag ni Sen. Cayetano, malinaw na hindi ito simpleng fake news—kundi indikasyon na may mga gumagalaw nga sa loob ng Senado upang patalsikin sa puwesto si Senate President Tito Sotto. Period!


XXX


'SUNTOK SA BUWAN' MAKUDETA SI TITO SEN KASI HINDI PUMAPASOK SA SENADO SI SEN. DELA ROSA – Bagamat may mga galaw sa Senado upang mapalitan ang liderato, masasabing “suntok sa buwan” pa sa ngayon ang pagpapatalsik kay Senate President Tito Sotto. Batay mismo sa pahayag ni Sen. Alan Cayetano, kapos pa sila sa

bilang at hindi pa nakakabuo ng kinakailangang 13 boto.


Sa kasalukuyan, siyam lamang ang miyembro ng minority sa Senado. May mga isyung posibleng bumaligtad ang ilang nasa majority—sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Loren Legarda, at magkapatid na Sen. Mark Villar at Sen. Camille Villar—na magdadala sana sa bilang sa 13. Gayunman, nananatiling problema ang paglahok ni Sen. Ronald Dela Rosa, na kinakailangang personal na dumalo upang makaboto.


Ayon sa mga ulat, hindi umano lumulutang si Sen. Dela Rosa dahil sa hinalang may warrant of arrest laban sa kanya na inisyu ng International Criminal Court (ICC). Dahil dito, tama ang sinabi ni Sen. Cayetano: hindi pa sila makabuo ng sapat na 13 boto upang patalsikin sa puwesto si Senate President Tito Sotto. Boom!


XXX


KAPAG NAGKA-CHA-CHA SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, KORTE SUPREMA DAPAT SISIHIN – Nakasaad sa Konstitusyon na ang mandato at responsibilidad ng Supreme Court (SC) ay ang tamang interpretasyon ng batas, habang ang tungkulin naman ng Kongreso—Senado at Kamara—ay ang paggawa at pag-amyenda ng mga batas. Gayunman, sa bagong ruling ng SC kaugnay ng unang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, lumilitaw na inamyendahan nito ang isang probisyong nakapaloob mismo sa Konstitusyon.


Dahil dito, nasabing pinanghimasukan ng Korte Suprema ang tungkulin ng mga senador at kongresista na mag-amyenda ng batas. Ito rin ang dahilan kung bakit sinabi ni Senate President Tito Sotto na kung dati ay tutol siya sa Charter change (Cha-Cha), ngayon ay nagiging bukas na siya sa pagsuporta rito.


Kaya kung sa panahon ng administrasyong Marcos ay matuloy ang Cha-Cha—lalo na kung mababago ang political provisions at pahinain ang kapangyarihan ng Korte Suprema—ang dapat sisihin dito ay ang mismong SC. Period!


XXX


KAILAN GAGAYAHIN NI PNP-CALABARZON DIRECTOR GEN. LUCAS ANG 'NO-TAKE POLICY' NI PNP-BICOL DIRECTOR GEN. MIRANDA? – Nang maitalaga si P/Brig. Gen. Erosito Miranda bilang director ng PNP-Region 5 noong December 2025 ay agad siyang nagdeklara ng "no-take policy" at kasunod n’yan ay ipinahuli na niya ang mga nag-o-operate ng jueteng, STL-bookies at lotteng sa buong Bicol region.


Ang tanong: Kailan kaya gagayahin ni PNP-Region 4-A director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas ginawa ng mistah niya sa PNPA Class '95 na si Gen. Miranda na pagbangga sa mga mangraraket at ilegalista sa Bicol, kasi sa totoo lang, sangkatutak ang mga "tongpats collector" sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon at sila ay sina alyas  "Tsan Parak," "Obet," "Adlawan," "Dimapeles, "Rico, "Jong," "Hero," "Minong," "Kevin," "Ady," "Milan," "Sandoval," "Marcial," "Jak," "Jame" at "Panganiban." Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page