top of page

Krisis sa pagkain, pinalalala ng digmaan at mahinang pamamahala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 26, 2026



Fr. Robert Reyes


Tumitindi ang tag-gutom sa kasalukuyang panahon. Dulot ng walang katuturang mga digmaan na pinaiigting ng mga lider na nilalamon ng ambisyon at kasakiman sa kapangyarihan, unti-unting itinutulak ang mundo sa bingit ng pandaigdigang krisis. Kung magaganap ang ikatlong pandaigdigang digmaan, maaaring ito na ang magdulot ng malawakang pagkawasak.


Hindi na kailangan ng tradisyunal na sandata tulad ng eroplano, barko, o tangke. Mula sa mga base militar, sapat na ang pagpindot ng mga kontrol upang maglunsad ng mga missile na may dalang sandatang nukleyar. Kapag ito’y sabay-sabay na pinakawalan ng mga makapangyarihang bansa, maaaring hindi kayanin ng mundo ang pinsalang dulot nito. Ang magiging resulta: isang mundong wasak, madilim, at walang buhay.


Ngunit wala pa tayo sa ganitong yugto. Sa awa ng Diyos, may pagkakataon pa upang umiwas sa ganitong kapahamakan. Gayunman, hindi kailangang umabot sa pandaigdigang digmaan upang maranasan ang matinding krisis. Sa kasalukuyan pa lamang, ramdam na ang epekto ng mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, lalo na sa Gitnang Silangan. Tumataas ang presyo ng bilihin, humihina ang ekonomiya, at lalong nahihirapan ang mga mamamayan na matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.


Dahil dito, inilunsad ng Diyosesis ng Cubao ang programang “Magtanim Para Makakain!” kalakip ang panawagang “Magsaka, hindi Ayuda!” Layunin nitong hikayatin ang mga mamamayan na maging masinop at produktibo sa pamamagitan ng urban farming. Sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Agrikultura, isinusulong ang pagsasaka sa lungsod bilang solusyon sa kakulangan sa pagkain.


Mahalagang bahagi ng programang ito ang wastong pamamahala ng basura o waste management—kabilang ang pagko-kompost, pagre-recycle, at pag-iwas sa paggamit ng plastik. Sa pamamagitan nito, maaaring maging malinis, luntian, at masagana ang mga komunidad, mula sa mga subdibisyon hanggang sa mga maralitang lugar sa lungsod.


Ngayong Sabado, ika-25 ng Abril, magsasagawa ng martsa ang mga parokyano mula SNR E. Rodriguez Avenue patungo sa Simbahan ng Santo Niño de Violago, simula alas-7:00 ng umaga. Susundan ito ng mensahe mula kay Obispo Elias Ayuban at isang training workshop hinggil sa urban farming para sa mga kalahok.


Noong nakaraang Martes, gumawa ng mga papel na tagak ang mga bata bilang simbolo ng panawagan para sa kapayapaan. Sapagkat ang gutom ay isa ring anyo ng karahasan. Hindi maituturing na mahirap ang ating bansa—ang tunay na suliranin ay ang kakulangan at depektibong pamamahala. Kung maayos lamang ang paggamit ng yaman ng bayan, walang Pilipinong magugutom.


Sa kasalukuyan, maraming nawalan ng trabaho at hindi na alam kung saan kukuha ng makakain. Ang ganitong kalagayan ay nagdudulot ng desperasyon at pagkawala ng pag-asa. Kaya’t panahon na upang baguhin ang pananaw: mula sa pag-asa sa ayuda, tungo sa sariling pagsisikap at pagtutulungan ng komunidad.


Hindi na dapat umasa lamang sa mga pulitiko. Sa halip, paigtingin ang sariling kakayahan at makipag-ugnayan sa kapitbahay at komunidad upang sama-samang magtanim at magsumikap. Sa ganitong paraan, hindi lamang pagkain ang mapapalago, kundi pati ang tiwala sa Diyos, sa kapwa, at sa sarili.


Tinatawag ang programang ito na SimBakuran—isang konsepto na pinagsasama ang “Simbahan” at “Bakuran.” Ipinapaalala nito na ang bawat tahanan ay maaaring maging banal na espasyo. Kapag ang bakuran ay malinis, luntian, at produktibo, ito ay nagiging lugar ng buhay, pag-asa, at presensya ng Diyos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page